178 total views
Nagpahayag ng pagkabahala ang ilang residente ng Zambales dahil hindi nila tiyak kung makabubuti ba o makasasama kung matutuloy ang pagdedeklara sa Panatag Shoal o Bajo de Masinloc bilang fish sanctuary.
Ayon kay Jo Ignacio Vice Chairperson ng Defend Zambales, makabubuti ang hakbang na ito para bigyang diin ang soberanya ng Pilipinas.
Gayunman, nais nilang matiyak na sa kabila ng gagawing deklarasyon ay hindi maaapektuhan ang maliliit na mangingisdang umaasa lamang sa karagatan bilang kanilang pangunahing pinagkakabuhayan.
“Pag idineklara natin ito [Bajo de Masinloc] pinagbibigyang diin lamang nito na ito ay atin, ibig sabihin meron tayong soberenya. Meron tayong mariing pag-aangkin sa ating teritoryo na sinusugan naman ng international Tribunal,” pahayag ni Ignacio sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ni Ignacio, mabuti rin ito dahil mas mapangangalagaan ng Pilipinas ang karagatan laban sa mga pagkasirang idinudulot ng mga construction at reclamations na isinasagawa ng China.
Gayunman, hindi pa tiyak para sa mga residente kung ano ang kahihinatnan ng kanilang kabuhayan kung maidedeklara nga bilang Marine Sanctuary ang Lagoon sa loob ng Panatag Shoal.
“Pag sinabi nating pagdevelop ng fish sanctuary makikita natin na ito ay may positibong dulot dahil mapapangalagaan ang ating karagatan. Ngunit sa isang banda rin sana ay makita ang pangangailangan ng maliliit na mangingisda sapagkat matagal silang nabinbin sa paghahanap ng hanapbuhay sa ating teritoryo at ngayon gagawin itong isang fish sanctuary, hindi pa namin gaanong alam kung magkakaron pa ng kalayaang mangisda ang mga maliliit,” dagdag ni Ignacio.
Magugunitang, inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na plano nitong maglabas ng Executive Order na mag dedeklara sa lagoon na nasaloob ng 150 km2 Panatag Shoal bilang Marine Sanctuary.
Sang-ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, positibo ang tugon ng China sa plano ni President Duterte na pagpapaigting ng pangangalaga sa karagatan ng Panatag Shoal.
Samantala, ayon kay Fr. John Mara, Social Action Director ng Diocese of Iba, Zambales, ay pinag-aaralan pa rin ng Diocese ang mga posibleng epekto ng Marine Sanctuary sa mga residente.
Gayunman, iginiit pa rin nito na anumang desisyon ay dapat na makabubuti para sa nakararami at hindi lamang para sa interes ng iilang makikinabang.