12,429 total views
Nanawagan ang humanitarian, development and advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa mga kandidato sa nalalapit na 2025 Midterm national and local elections na gamiting pagkakataon ang Semana Santa upang makapagnilay.
Nanawagan si Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo sa mga kandidato na samantalahin ang paggunita ng Mahal na Araw upang ganap na makapagnilay sa kung ano ang kanilang tunay na maiaambag para sa kabutihan at pag-unlad ng bayan.
Ayon sa Obispo, ang Semana Santa ay hindi lamang isang pagkakataon upang makapagbalik loob ang lahat sa Panginoon sa halip ay isang pagkakataon din upang mapagnilayan ang landas ng serbisyo publiko.
“Holy Week is not only a time for spiritual renewal but also a meaningful opportunity to contemplate the path of public service. We urge our aspiring leaders to reflect sincerely on the good they can do for the country and to recommit themselves to selfless service for the Filipino people—especially the poor, the marginalized, and the voiceless.” Bahagi ng mensahe ni Bishop Bagaforo.
Nanawagan rin si Bishop Bagaforo sa bawat isa na ipanalangin ang nalalapit na halalan upang ganap na manaig ang katotohanan, katarungan at tunay na demokrasya ng bansa.
“May this election be a celebration of genuine democracy and justice… May this Holy Week lead us all toward a renewed sense of purpose, guided by truth, compassion, and the common good.” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Kaugnay nito, inaanyayahan ng Kanyang Kabanalan Francisco ang bawat mananampalataya na ituon ang pagtingin kay Hesus ngayong Mahal na Araw at humingi ng biyaya upang mas maintindihan ang misteryo ng kanyang pagpapakasakit para sa katuparan ng pangakong kaligtasan ng Panginoon para sa sangkatauhan.
Batay sa tala ng COMELEC nasa 18,280 na posisyon ang pagbobotohan sa darating na 2025 Midterm Elections, kabilang ang 12-senador, mga partylist representatives, congressional district representatives, governor, mayor, sangguniang bayan member at iba pa.