3,228 total views
Ipinahayag ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines–Episcopal Commission on Indigenous Peoples (CBCP-ECIP) ang taos-pusong pagkilala ng mga katutubo kay Pope Francis bilang isa sa mga pinakamaimpluwensiyang lider na tunay na nagbigay-pansin sa kalagayan ng mga katutubong pamayanan sa buong mundo.
Ayon kay CBCP-ECIP Executive Secretary Tony Abuso, malaki ang pasasalamat ng mga katutubo sa pagpapahalagang ipinakita ng Santo Papa sa komunidad—lalo na sa pamamagitan ng kanyang mga ensiklikal tulad ng Laudato Si’ at Laudate Deum—na hindi lamang tumutok sa pangangalaga ng kalikasan kundi isinulong din ang karapatan at dignidad ng mga katutubo.
Ang pahayag na ito ni Abuso ay kaugnay ng pagpanaw ng 88-taong gulang na Santo Papa noong Lunes ng Muling Pagkabuhay.
“Nakikiisa ang mga kapatid nating katutubo sa pagpanaw ng ating Santo Papa na isa sa mga nagdala ng tunay na kalagayan ng mga katutubo sa buong mundo. Isa rin itong pasasalamat ng ating mga katutubo na kinikilala nila ang mga nagawang pahayag ng ating Santo Papa at kahit na sa kanyang pagpanaw, dala-dala ng maraming katutubo ang pag-asa at ang mga mahalagang nabanggit niya at mga encyclicals na tumutugon sa mga pangangailangan at pagkilala sa mga kapatid nating katutubo, hindi lang dito sa Pilipinas kung ‘di sa buong mundo,” pahayag ni Abuso sa panayam ng Radyo Veritas.
Dagdag pa ni Abuso, na bagamat pumanaw na si Pope Francis, ang kanyang mga iniwang aral at paninindigan ay mananatili sa puso’t isip ng mga katutubo at magpapatuloy na magsilbing gabay sa pakikipaglaban para sa dignidad at karapatang pantao.
“Buo ang kanilang paniniwala na ang mga iniwang aral at paninindigan ni Pope Francis ay mananatiling buhay sa puso ng bawat katutubo at magpapatuloy na magbigay-inspirasyon sa kanilang pakikibaka para sa dignidad at karapatang pantao,” ayon kay Abuso.
Sa Laudato Si’, binigyang-diin ng yumaong Santo Papa ang kanyang pag-aalala sa kalagayan ng mga katutubo, na madalas dumanas ng pananakot, pang-uusig, at sapilitang pagpapalayas sa kanilang mga lupaing ninuno para bigyang-daan ang mapaminsalang pag-unlad.
Iginiit ni Pope Francis na ang mga katutubo ay likas na tagapangalaga ng kalikasan at itinuturing na mga tunay na katiwala ng sangnilikha.