445 total views
Nananawagan si Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa mga pulitiko na isaalang-alang ang kabutihan ng lahat lalo’t higit sa pangangalaga sa kalikasan.
Ito ang mensahe ng Obispo sa programang “Ang Banal na Oras” ng Radio Veritas na isinagawa noong Marso 27, 2021 bilang paggunita sa Earth Hour ngayong taon.
Ayon kay Bishop Pabillo, ang pagbibigay-halaga sa kalikasan ay para sa kabutihan ng lahat at ng susunod na henerasyon.
“Pangkalahatan ibig sabihi’y kabutihan ng lahat na nandito ngayon. Hindi lang kabutihan ng may pera, may teknolohiya, kundi ng mga mahihirap at kabutihan din ng susunod na henerasyon,” bahagi ng mensahe ni Bishop Pabillo sa programa ng Radio Veritas.
Iginiit ng Obispo na dapat mas pagtuunan ng pansin ng mga nasa katungkulan ang pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan dahil higit na maaapektuhan ang susunod na henerasyon kapag tuluyan itong napabayaan.
Binigyang-diin naman ni Bishop Pabillo na dapat na makita ng mga pulitiko ang pangmatagalang solusyon para sa kalikasan at hindi ang magpadala sa kapangyarihan ng pera na nagtutulak lalo upang maitayo ang mga ilegal na kumpanyang sumisira sa ating kapaligiran.
“Ang problema lang kasi ng maraming mga leaders natin, ang kanilang pananaw ay masyadong makitid. Mas nadadala sila ng pera at hindi nila nakikita ang longterm na resulta ng mga ito… Kaya mas tingnan natin lalung-lalo na ang pangangalaga sa ating iisang tahanan,” ayon kay Bishop Pabillo.
Samantala, panawagan naman ni Association of Major Religious Superiors in the Philippines Co-Executive Secretary Fr. Angel Cortez, OFM na nawa’y manindigan sa kanilang mga pangako ang mga pulitikong nagsabing itataguyod ang pangangalaga sa kalikasan.
“Sana ‘yung mga nangako na mangalaga sa kalikasan ay manindigan sila. Hindi lamang tuwing kampanya, kundi kahit sa mga pagkakataon na sila’y kailangan katulad ng mga nangyaring sakuna nitong nagdaan na apektado po tayong lahat,” ayon kay Fr. Cortez, ang host ng “Ang Banal na Oras” ng kapanalig na himpilan.
Kabilang din sa mga naging tagapagsalita ng programa sina NASSA/Caritas Philippines Communications and Partnerships Development Coordinator Ms. Jing Rey Henderson; at ang National Director ng WWF-Philippines na si Atty. Angela Ibay.
Ang Earth Hour ay inisyatibo ng grupong World Wide Fund for Nature-isang international non-government organization na nagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan kung saan isa sa mga media partner ang Radio Veritas.
Tema ngayong taon ang #SpeakUpForNature kung saan hinihikayat ang bawat isa na ipahayag at ipagtanggol ang kalikasan upang makita at marinig ng iba’t ibang pinuno ng mga bansa ang nais ipaglaban ng mamamayan para sa karapatan ng ating nag-iisang tahanan.
Taong 2007 nang unang isagawa ang Earth Hour sa Sydney, Australia, at 2008 nang ilunsad naman ito sa Pilipinas.