18,620 total views
Ito ang paalala ni Caritas Philippines president, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, sa sambayanang Pilipino ngayong humaharap ang bansa sa matinding pagsubok dulot ng pinagsamang epekto ng hanging Habagat na pinalakas ng mga Bagyong Crising, Dante, at Emong.
Ayon kay Bishop Bagaforo, ang pagtutulungan ng bawat isa, sa anumang paraan, upang makapagligtas ng buhay at makapaghatid ng pag-asa sa kapwa.
Binigyang-diin ng obispo ang kahalagahan ng mga simpleng gawaing makatutulong sa kapwa at kalikasan, tulad ng pagpupulot ng basura, paglilinis ng mga baradong daluyan ng tubig, at pag-uulat ng mga sirang linya ng kuryente.
“Kailangan natin ang pagkalinga, pagtutulungan, at pagkakaisa. Marami tayong maaaring gawin–maliit man o malaki, lahat ay may halaga… mga simpleng gawaing maaaring magligtas ng buhay at magbigay ng pag-asa,” pahayag ni Bishop Bagaforo.
Bukod dito, nanawagan din ang obispo ng panalangin para sa kaligtasan at katatagan ng mga nasalanta, gayundin para sa mga volunteer na buong lakas na naglilingkod upang matugunan ang pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad.
Tiniyak naman ni Bishop Bagaforo na mananatiling katuwang ang simbahan upang sa gitna ng kadiliman ay maging liwanag ng pag-asa at biyaya para sa mga dumaraan sa matinding pagsubok.
“Ang simbahan–ang Caritas Philippines at ang lahat ng Caritas sa bawat sulok ng bansa–ay nagsasama-sama upang maglingkod, mag-alaga, at magbigay-pag-asa sa lahat. Anuman ang pinagmulan, sa gitna ng pagsubok, tayo ay inaanyayahang maging biyaya sa isa’t isa,” saad ni Bishop Bagaforo.
Para sa mga nais magpaabot ng suporta at donasyon, maaaring makipag-ugnayan sa Facebook pages ng Caritas Philippines at Alay Kapwa upang malaman ang kumpletong detalye ng pagpapadala ng tulong.