17,255 total views
Itinalaga ni Pope Leo XIV si Jolo Bishop Charlie Inzon bilang ika-limang Arsobispo ng Archdiocese of Cotabato.
Ipinahayag ng Vatican ang kanyang appointment noong September 8, kasabay ng pagdiriwang ng kapistahan ng Kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria.
Hahalili si Archbishop-designate Inzon kay Archbishop Angelito Lampon na namuno sa arkidiyosesis mula 2019 at nagretiro matapos maabot ang mandatory retirement age na 75 taong gulang nitong Marso.
Si Archbishop Inzon, na ipinanganak noong 1965 sa Pilar, Sorsogon, ay pumasok sa kongregasyon ng Oblates of Mary Immaculate (OMI) noong 1982 at nagkaroon ng perpetual profession noong 1990.
Nagtapos siya ng Philosophy sa Notre Dame University sa Cotabato City at Theology sa Loyola School of Theology ng Ateneo de Manila University sa Quezon City.
Naordinahan siyang pari ng OMI noong April 24, 1993 sa Caloocan City at naglingkod sa iba’t ibang parokya at paaralan na pinangangasiwaan ng OMI.
Kabilang dito ang pagiging pangulo ng Notre Dame College sa Jolo at ng Notre Dame University sa Cotabato.
Bago itinalagang obispo ng Jolo noong 2020, nagsilbi rin siyang Provincial Superior ng Oblates noong 2018.
Bukod sa kanyang master’s degree sa Theology mula sa Loyola, nagtamo rin siya ng doctorate in Psychology mula sa Ateneo de Manila University.
Bilang bagong arsobispo, pamumunuan niya ang mahigit isang milyong Katoliko sa arkidiyosesis katuwang ang may 60 pari.