351 total views
Kapanalig, tuloy tuloy ang balik-ekswela ng ating mga mga mag-aaral. Tuloy tuloy din ang pagdami ng kanilang leksyon. Marami na nga sa ating mga mag-aaral ngayon ay overwhelmed. Nasa period sila ng transition mula sa online learning tungo sa face-to-face. Kamusta na ba sila?
Kapanalig, malaki ang hamon ngayon sa ating mga mag-aaral. Maliban sa patuloy na pag-iingat laban sa COVID-19, ang mas malalim na kahirapan sa kanilang hanay ay sa isa rin sa mga isyung bumabagabag sa kanilang sektor. Naging magka-kambal na kasi ang isyu ng pandemya at kahirapan sa marami nating kababayan, dahil ang pandemya ay nagtulak sa resesyon at pagkawala ng trabaho ng marami nating mga kababayan. Ang pagbabalik sa klase ngayon ay hindi lamang isang logistic issue para sa maraming pamilya, ito rin ay isyu ng kahirapan.
Dagdag sa kasalatan ay ang isyu ng academic performance. Bago pa man dumating ang virus, nanganganib na rin ang score ng marami nating mga mag-aaral pagdating sa reading comprehension, Science, at Math. Noong 2018, ang Pilipinas ang pinaka mababa ang score sa Programme for International Student Assessment. Sa assessment na ito, ang Pilipinas ang nakakuha ng pinakamababang reading comprehension score sa hanay ng 79 na bansa. Sa Science at Math, tayo ang pinaka-mababa sa science at math sa 58 na bansa.
Ang tindi ng pressure sa mga kabataan natin na higitan ang kanilang performance sa gitna ng hamon ng pandemya at kahirapan. Marami ang maaaring ma-overwhelm sa ganitong sitwasyon. Ano ba ang maaaring magawa ng sektor ng edukasyon upang ma-gabayan sila sa panahong ito?
Kapanalig, maliban sa pagbibigay ng dekalidad na serbisyong panlipunan gaya ng access sa kalusugan, katiyakan sa pagkain, at maayos na transportasyon, kailangan din natin bigyan ang ating mga mag-aaral ng mas angkop at dinamikong uri ng pagtuturo at pag-gabay sa mga mag-aaral sa eskwelahan at sa tahanan.
Kadalasan, kapanalig, ang pagtuturo sa atin sa bahay man o sa paaralan ay teacher-centered. Ang adult ay patuloy na nagtuturo sa mga bata, habang ang mga bata ay sinusulat at minememorya ang mga aralin. Bago na ang panahon ngayon, at kailangan na mabago na rin natin ang ating mga dating gawi. Ang new normal ngayon ay hindi lamang ukol sa pag-iingat sa pandemya, kasama rin nito ang mga makabagong paraan at teknolohiya. Ang pagbabahagi ng leksyon ngayon ay dapat mas participative, mas interactive, at mas flexible. Kung dati dati titser lang ang magsasalita, ngayon kailangan mas open tayo hindi lamang sa partisipasyon ng mga bata, kundi pati na rin sa pag-gamit ng mga instrumentong makakatulong sa pagpapalalim at pagtatak ng aralin sa isip ng mga bata.
Ang pag-gamit ng teknolohiya sa edukasyon ay isa sa mga praktikal at ethical na paggamit ng inobasyon. Ito ay isang halimbawa ng sinasabi ni Pope Francis na “technology can be a tool for the good.” Ang mga mag-aaral sa new normal ay mga makabagong mag-aaral na rin. Marami sa kanila ay lumaki na kakambal na ang mga gadgets. Sa kalaunan, ang mga teknolohiyang gaya ng cellphone at internet ay yayabong pa at kung hindi natin ito mama-maximize sa pagtuturo sa mga bata ngayon, mas mahihirapan sila sa hinaharap.
Sumainyo ang Katotohanan.