2,081 total views
Paghinto ng mining operations sa Brooke’s Point, suportado ng opistal ng CBCP
Suportado ni Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo ang panawagan ng mga residente ng Barangay Ipilan, Brooke’s Point, Palawan laban sa ilegal na operasyon ng Ipilan Nickel Corporation.
Ayon kay Bishop Pabillo, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Office on Stewardship, ang pagmimina sa Brooke’s Point ang unti-unting sumisira sa likas na yaman at kagandahan ng lugar dahil sa pagbubungkal sa mga bundok at pagpuputol sa mga punongkahoy na nagiging sanhi ng malawakang pagbaha.
“Ako po ay nakikiisa sa mga pumipigil sa pagmimina d’yan sa Ipilan sa Brooke’s Point kasi nakita po natin ang epekto nun ay talagang nakasira sa environment. Sila po ay kabilang sa nakaranas ng mga pagbaha dahil sa pag-uulan at hindi naman sila nakikinabang sa mining,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Iginiit ng Obispo na ang malalaking korporasyon lamang ang nakikinabang sa pagmimina, habang lalo pang naghihirap ang taumbayan dahil sa dulot nitong pinsala sa buhay, ari-arian,at kalikasan.
Sinabi ni Bishop Pabillo na ang matatag na paninindigan ng mga apektadong residente laban sa pagmimina ay halimbawa ng pagiging mabubuting katiwala ng sangnilikha ng Diyos.
Dalangin naman ng Obispo ang kaligtasan ng mga residenteng nagsasagawa ng barikada sa Brooke’s Point at madinig ng pamahalaan ang panawagan na ang layunin ay mapangalagaan ang nag-iisang tahanan para sa mga susunod pang henerasyon.
“Nawa’y magbunga ang paninindigan ng mga tao upang hindi na payagan ang nickel mining sa Ipilan, pati na rin ang pagsasantabi ng pamahalaan sa anumang uri ng pagmimina na nakakasira ng ating inang kalikasan,” ayon kay Bishop Pabillo.
Nauna nang sinabi ni Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona na ang pagtutol ng taumbayan sa pagmimina ay karapatang dapat igalang dahil layunin nitong ipagtanggol ang kanilang kaligtasan, kalikasan, at pamayanan.