34,558 total views
Naniniwala si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza na mahalaga ang pag-asang hatid ng pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga naiwang kapamilya at mahal sa buhay ng mga biktima ng War on Drugs ng nakalipas na administrasyon.
Sa mensaheng ipinaabot ni Bishop Alminaza, Vice Chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace, napapanahon na upang mabigyang katarungan ang lahat ng mga biktima ng walang habas na pamamaslang sa mga hinihinalang sangkot sa illegal na droga sa bansa.
“This development brings a measure of hope and solace to the thousands of families who lost their loved ones during the Duterte regime’s war-on-drugs and war-on-rights, a period marked by impunity and reward-driven killings.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Alminaza.
Pagtiyak ng Obispo, patuloy na makikiisa ang Diyosesis ng San Carlos sa pananawagan upang mawakasan na ang karahasan sa lipunan kung saan una na ring sinimulan ng diyosesis ang pagpapatunog ng kampana bilang pananawagan ng katarungan sa mga nagaganap na karahasan sa bansa at ang pagtatanim ng mga puno bilang pagbibigay halaga sa kasagraduhan ng buhay ng bawat nilalang.
“The Diocese of San Carlos has consistently called for an end to these killings. We have engaged in various initiatives, including the solemn ringing of church bells to awaken consciences, the symbolic planting of trees as a testament to life and justice, and unwavering support for the victims’ families.” Dagdag pa ni Bishop Alminaza.
Ayon sa Obispo, napapanahon ang pag-usad ng kaso ng mga biktima ng EJK sa paggunita ng Simbahan ngayong taon ng Jubilee Year of Hope.
Kasunod ng pag-aresto ng Interpol kay dating Pangulong Duterte na kasalukuyang nakadetine sa International Criminal Court sa The Hague, Netherlands ay umaasa rin si Bishop Alminaza na mapanagot rin ang iba pang opisyal at mga indibidwal na sangkot sa marahas na implementasyon ng War on Drugs sa bansa.
Muli ring nanawagan ang Obispo sa bawat isa na patuloy na maging mapagbantay laban sa iba’t ibang karahasan na patuloy na nagaganap sa bansa partikular na sa Negros Island, Mindoro at Mindanao.
“We also hope that other perpetrators of this drug war will be brought to justice. Nevertheless, we remain vigilant in the continuing practice of impunity recently, as military attacks and bombings continue to terrorize rural communities in Negros Island, Mindoro and Mindanao.” Ayon pa kay Bishop Alminaza.
Matatandaang sa pamamagitan ng Pastoral Appeal ng mga Obispo ng Negros noong ika-27 ng Hulyo taong 2019 na may titulong ‘Exhortation to Government to Act on Ending the Killings’ ay inatasan lahat ng mga parokya, mission stations at religious houses na magpatunog ng kampana tuwing ganap na alas-otso ng gabi upang maipaabot ang galit at apela ng mga mamamayan na mawakasan na ang hindi makatao at walang kabuluhang pagpaslang sa lalawigan.
Pagbabahagi ni Bishop Alminaza sinisimbolo rin ng tunog ng kampana ang panalangin at hinaing ng mga mamamayan sa Panginoon na pukawin ang puso ng mga kriminal at maging ng mga otoridad upang bigyan ng katarungan ang mga biktima ng mga pagpaslang sa lalawigan.