356 total views
April 26, 2020-11:25am
Umaasa ang arsobispo ng Cagayan De Oro na magkaisa ang mamamayan sa pananalangin sa Diyos para sa kaayusan ng daigdig sa kabila ng pagkakaiba ng relihiyon, paniniwala at pananaw sa buhay.
Sa video message ni Archbishop Antonio Ledesma, SJ, chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Mutual Relations sa pagdiriwang ng Ramadan ng mga Muslim, binigyang diin nito ang kahalagahan ng pagbubuklod ng bawat isa tungo sa Panginoon.
“Busa mga igsuon hinaot unta nga kining panahon sa Ramadan mahimong balaang panahon alang kanatong tanan sa pagtinabangay ug sa pag-ampo sa usa ka Diyos alang sa atong kaayohan [Sana mga kapatid itong panahon ng Ramadan ay magiging banal para sa ating lahat; sa pagtutulungan at pagdarasal sa iisang Diyos para sa ating kapakinabangan],” bahagi ng mensahe ni Archbishop Ledesma.
Nagpaabot ng pagbati ang arsobispo sa pagsimula ng Ramadan, ang panahon ng pag-aayuno, panalangin at pagninilay ng mga Muslim na magtatapos sa ika – 23 ng Mayo.
Ipinaliwanag ni Archbishop Ledesma na tulad ng mga kristiyano sa panahon ng kuwaresma ito ang pagkakataong paigtingin ng bawat isa ang pakikipag-ugnayan sa Panginoon upang hingin ang Kanyang gabay sa bawat pagsubok at krisis na kinakaharap ng sangkatauhan.
Binigyang diin ng arsobispo na nagkakaisa ang mga Kristiyano at Muslim sa pagsasagawa ng mga inter faith forum for peace, harmony and solidarity bilang hakbang sa pagtatamo ng kaayusan ng komunidad.
“Kita man magpakita ug paghiusa sa mga Muslim ug Kristiyano labi ang kalinaw dinhi sa Mindanao [Tayo ay nakikiisa sa mga Muslim at Kristiyano lalo na sa pagkamit ng kapayapaan sa Mindanao],” dagdag ng arsobispo.
Ngayong taon paksa ng simbahan sa paghahanda sa ikalimang sentenaryo ng kristiyanismo ang ‘Year of Ecumenism, Inter-religious Dialogue and Indigenous People’ bilang pagkilala sa bawat isa na magkakapatid sa kabila ng pagkakaiba ng pananampalataya.
Samantala, tiniyak naman ng Imam Council of the Philippines na tatalima pa rin ang mga Muslim sa ipinatupad na enhanced community quarantine kung saan nanatiling sarado ang mga mosque sa bansa sa halip ay hinimok ang mga kasapi na isagawa ang mga panalangin sa bawat tahanan.