3,798 total views
Sa gitna ng kontrobersyal na desisyon ng Korte Suprema na nagpapawalang-bisa sa mga lokal na ordinansa laban sa pagmimina, nanawagan ang Apostolic Vicariate of Calapan ng higit na pagtutulungan sa pangangalaga ng kalikasan at karapatan ng mga katutubong pamayanan.
Ayon kay Calapan Social Action Director Fr. Edwin Edu Gariguez, nakababahala ang naging desisyon ng Korte dahil pinahihina nito ang mga lokal na inisyatiba na naglalayong pangalagaan ang mga likas-yaman laban sa mapaminsalang epekto ng pagmimina.
Bagama’t binawi ng Korte ang tinatawag na blanket prohibition, bukas pa rin ang pinto sa mga lokal na pamahalaan na ipatupad ang mga makatuwirang hakbang sa ilalim ng Local Government Code — partikular sa mga seksyon 26 at 27 — upang pangalagaan ang kapaligiran at mga komunidad, lalo na ang mga katutubo.
Binigyang-diin ng pari na ang isyu ng pagmimina ay hindi lamang usaping pang-ekonomiya kundi usapin din ng katarungan at karapatang pantao, lalo na para sa mga katutubong mamamayan na matagal nang nakikipaglaban upang mapanatili ang kanilang lupang ninuno, kabuhayan, at kultura.
Tinukoy ng pari ang mga lugar tulad ng Abra de Ilog, na tahanan ng mga katutubong grupo, at mga Man-and-Biosphere at tourist areas na lubhang sensitibo sa pagkasira ng kalikasan.
“Hindi pera ang lunas sa pagkasira ng kalikasan at kultura ng mga katutubo. Kapalit ng mina ay ang unti-unting pagkamatay ng kabuhayan, ng kaugalian, at ng kalikasang hindi na maibabalik pa,” ayon kay Fr. Gariguez sa panayam ng programang Barangay Simbayanan.
Dagdag pa ng pari, may umiiral nang pambansang batas na nagbabawal sa pagmimina sa Mindoro na isinulong hindi lamang ng mga lokal na lider kundi ng Simbahan at mamamayan mismo.
Itinuturing niya itong patunay ng matibay na pagkakaisa sa lalawigan para protektahan ang kapaligiran at karapatan ng mga katutubo.
Pinuna naman ni Fr. Gariguez ang sinasabing identity crisis ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), na sa halip na pangalagaan ang kalikasan ay tila mas pinapaboran pa ang interes ng mga malalaking minahan.
Kasabay ng panawagan, muling isinusulong ni Fr. Gariguez ang Alternative Minerals Management Bill, isang panukalang batas na naglalayong magtakda ng mahigpit na regulasyon sa pagmimina, igalang ang karapatan ng mga katutubo, at tiyaking hindi napipinsala ang kalikasan.
Nanawagan din si Fr. GAriguez ng mas malawak na pagkilos, hindi lamang mula sa Simbahan kundi mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan.
Humiling naman si Fr. Gariguez na panalangin para sa tagumpay ng mga makatarungan at makakalikasang hakbang, para sa kinabukasan ng Mindoro at ng mga anak nitong nakasalalay sa laban kontra pagmimina.
Marian Navales- Pulgo, Michael Encinas