624 total views
Ibinahagi ni Bicolano priest Fr. Joebert Fernandez na makiisa ang Archdiocese of Manila sa pagdiriwang ng kapistahan ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia sa Bicol region.
Sa panayam ng Radio Veritas sinabi ng pari na muling isasagawa sa ikatlong pagkakataon ang “Pagsungko ni Ina’ na kahalintulad ng prusisyon ng imahe ng Birhen ng Peñafrancia at Divino Rostro sa Naga City.
Ito ay inisyatibo ng Most Holy Trinity Parish sa Balic-Balic Manila na pinangungunahan ng mga Bicolanong pari at seminarista.
Nilinaw ni Fr. Fernandez na sa halip na maglalakad ang mga deboto ay isasagawa ang Motorcade Procession sa ilang lugar sa Manila na bibisita sa mga simbahan ng Vicariate of Our Lady of Loreto na kinabibilangan ng mga simbahan sa Sampaloc, Sta. Mesa at sa City Hall grounds.
Layunin ng pagtitipon na palaganapin sa kalakhang Maynila ang debosyon ng Mahal na Ina gayundin ang kahilingang tuluyang mawakasan ang pandemya sa daigdig.
“This activity aims to propagate the devotion to Our Lady of Peñafrancia here in Manila, the very place where the devotion to Our Ina begun. As well as, to intercede her intercession for the end of the pandemic just like as She interceded during the cholera morbo in Bikol in the year 1982,” pahayag ni Fr. Fernandez sa Radio Veritas.
Unang ginanap ang ‘Pagsungko ni Ina’ sa Manila noong September 2020 habang umiiral ang mahigpit na panuntunan ng lockdown dahil sa COVID-19 pandemic.
Hinimok ni Fr. Fernandez ang mananampalataya na makiisa sa motorcade procession sa September 17 mula alas dose ng tanghali hanggang alas kuwatro ng hapon na susundan ng banal na misa sa Most Holy Trinity Parish.
“We are inviting you to be part of this activity, the Pagsungko ni Ina, and be an instrument to make our Ina known here in the city of Manila”ani Fr. Fernandez.
Samantala inaasahang makiisa si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa pagdiriwang ng kapistahan ng Our Lady of Peñafrancia sa Bicol Region sa September 17 sa banal na misa sa alas 6:30 ng gabi sa Minor Basilica and Shrine of Our Lady of Peñafrancia.
Isang simbahan naman ng arkidiyosesis ang itinalaga sa Mahal na Birhen ang Archdiocesan Shrine of Our Lady of Peñafrancia sa Paco Manila.