2,665 total views
Nanawagan si Pope Leo XIV sa lahat ng mga Kristiyano at may mabuting kalooban na tugunan ang agarang pangangailangan para sa katarungang pangkalikasan at panlipunan.
Ang panawagan ng santo papa ay bilang mensahe para sa Ika-10 World Day of Prayer for the Care of Creation na gaganapin sa Setyembre 1, 2025.
Ang mensahe, na may titulong “Seeds of Peace and Hope”, ay inilabas noong Hulyo 2, kaugnayan na rin sa Jubilee Year, kung saan hinihikayat ang mga mananampalataya na maging pilgrims of hope at tapat na tagapangalaga ng kalikasan.
“May [Laudato si’] continue to inspire us, and may integral ecology be increasingly accepted as the right path to follow,” bahagi ng mensahe ni Pope Leo XIV.
Ginamit ng Santo Papa ng sipi mula sa propetang si Isaias upang ipakita na ang tuyot na mundo ay maaari pang gawing masagana, basta’t magkaroon ng tunay na pagbabago sa pananaw at gawa.
Ayon kay Pope Leo, ang pagtingin sa kalikasan bilang pag-aari ay nagdudulot ng pagkasira, kawalang-katarungan, at mas matinding pagdurusa sa mga mahihirap at katutubo.
Sa paggunita ng ika-10 anibersaryo ng Laudato si’—ang ensiklikal ni Pope Francis ukol sa pangangalaga sa kalikasan—binalikan ni Pope Leo XIV ang mga epekto ng kasakiman, paglabag sa karapatan, at hindi pagkakapantay-pantay.
Binanggit niya na ang mga ito ay sanhi ng pagkaubos ng kagubatan, polusyon, at pagkawala ng likas na yaman. Tinawag niya itong mga bunga ng kasalanan at ng kapabayaan ng tao sa kanyang tungkulin na pangalagaan ang daigdig.
Mariin ding kinondena ng Pope Leo ang pagtingin sa kalikasan bilang isang dahilan ng alitan, kung saan ang likas na yaman tulad ng tubig at lupa ay pinag-aagawan. Ayon sa pinunong pastol, ito ay dahil hindi nasunod ang utos ng Diyos na “till and keep”—na alagaan at ingatan ang sangnilikha.
Isinusulong din ng Santo Papa ang integral ecology—isang pananaw na pinagsasama ang pananampalataya, katarungan, at pangangalaga sa kalikasan. Giit ng Santo Papa, ang pag-aalaga sa kalikasan ay tungkuling moral at bahagi ng pananampalataya, dahil ang buong sangnilikha ay larawan ng mukha ni Kristo.
“For believers, the universe reflects the face of Jesus Christ, in whom all things were created and redeemed,” ayon kay Pope Leo XIV.
Ipinalangin din ng Santo Papa para sa paggabay ng Espiritu Santo at umaasang patuloy na maging inspirasyon ang Laudato si’. Hinikayat din niya ang lahat na yakapin ang integral ecology bilang tamang landas para sa paggaling at pagkakaisa ng sangkatauhan at ng kalikasan.