206 total views
Pabor si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity sa programa ng Philippine Health Insurance Corporation para sa mga drug dependent.
Paliwanag ng Obispo, ang drug dependency ay isang sakit kaya naman sa simula pa lamang ay dapat na pinagtuunan na ng pamahalaan ang pagpapagaling sa mga drug dependent sa halip na patayin ang mga ito.
“Magandang balita yan at sinusuportahan natin yan kasi nakikita nga natin ang drug dependency ay isang sakit, kaya dapat yan ay paglaanan ng ating mga health funds para matulungan sila, hindi po yan isang bagay na kailangan na parusahan sila ngunit tulungan dapat sila tulad ng isang taong may sakit na magamot sila,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Sa kasalukuyan tinatayang mahigit 700,000 na ang mga drug surrenderers na kinakailangang sumailalim sa drug rehabilitation Program.
Umaabot naman sa P25 milyon ang nakalaang pondo ng Philhealth para sa mga drug-related-disorders.
Una nang binigyang diin ng Simbahang Katolika ang kahalagahan ng pagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa mga drug users at pushers na magbagong buhay at magbalik loob sa Panginoon.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa rin ng mga Community-based Drug Rehabilitation Program ang iba’t ibang Diyosesis sa bansa bilang tugon sa lumalalang krisis sa droga.