713 total views
Mga Kapanalig, ang kalusugang pangkaisipan o mental health ay isa sa isyung pangkalusugan sa ating bansa na hindi gaanong napagtutuunan ng pansin sa kabila ng pagiging seryoso nito. Ilang halimbawa ng sakit na may kinalaman sa ating mentál na kalusugan ay depression, schizophrenia, addiction sa droga at alak, at post-traumatic stress disorder (na karaniwang nararanasan ng mga taong dumaan sa matinding kalamidad o pangyayari sa buhay). Walang pinipiling edad ang mga mental disorders na ito, ngunit ang mga mahihirap ang karaniwang nakararanas ng mga ito.
Maging ang suicide o pagpapatiwakal ay nakaugat sa hindi balanseng takbo ng isip. Sa tala ng World Health Organization, lampas 2,500 ang kaso ng suicide sa Pilipinas noong 2012. Sinasabing sa bawat araw, pitong Pilipino ang nagpapakamatay upang takasan ang kanilang mga problema sa buhay. Ayon naman sa ating Department of Health, tinatayang isa sa bawat limang Pilipino ay nakararanas ng psychiatric disorder. Patunay ang mga nakababahalang datos na ito tungkol sa suicide at psychiatric disorder kung bakit dapat tutukan ang mental health.
Kaya naman, magandang balita ang pagkakapasá noong isang linggo sa ikatlong pagbasa ng Senate Bill 1354 o ang Philippine Mental Health Law. Kinikilala ng panukalang batas na ito ang karapatan ng bawat Pilipino sa maayos na kalusugang pangkaisipan at ang karapatan ng mga taong may sakit sa pag-iisip na makatanggap ng maayos at abot-kayang serbisyo upang bumuti ang kanilang kalagayan. Nilalayon ng batas na makapagbigay ng maayos na psychiatric, psychosocial at neurologic services ang mga pampublikong regional at provincial hospitals. Sa mga paaralan, lugar ng trabaho, at mga komunidad ay magsasagawa naman ng malawakang pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa mental health. Magtatatag din ang pamahalaan ng programang magsasanay sa mga tagapagbigay ng serbisyo upang maging mas epektibo sila sa pagtulong sa mga pasyente.
Mga Kapanalig, ang bawat tao ay nilikhang kawangis at ayon sa larawan ng Diyos. Sa katotohanang ito nakaugat ang ating dignidad na hindi nabubura anuman ang estado ng kalusugan ng ating pangangatawan at pag-iisip. May magandang paalala sa atin si San Juan Pablo II mula sa kanyang talumpati sa International Conference for Health Care Workers mahigit 20 taon na ang nakalipas. Sabi niya, “Whoever suffers from mental illness ‘always’ bears God’s image and likeness in themselves, as does every human being. In addition, they ‘always’ have the inalienable right not only to be considered as an image of God and therefore a person, but also to be treated as such.”[1] Ang mga taong may karamdaman sa pag-iisip ay katulad nating nilikhang kawangis ng Diyos, may dignidad na kailangang kilalanin at pagkatao na dapat igalang.
Ngunit hindi garantiya ang pagkakaroon ng batas na sapat nang matugunan ang mga pangangailangan ng mga kapatid nating may problema sa kanilang mental health. Nagsisimula ang pagtugon sa ating mga tahanan, sa ating mga komunidad, sa mga paaralan at lugar ng hanapbuhay. Malaki ang papel ng pagkakaroon natin ng magandang relasyon sa ating mga kapamilya, kaibigan, katrabaho at mga nakakahalubilo sa pagpapabuti ng kanilang kalusugang pangkaisipan, lalo na’t ang kadalasang mga biktima ng mental disorders ay mga taong uhaw sa kalinga, pag-unawa, at pagmamahal.
Patuloy din ang pag-uudyok sa ating lahat na tularan ang ginawa ni Hesus sa mga taong isinasantabi ng lipunan dahil sa kanilang karamdaman sa pag-iisip—ang sila ay mahalin at kalingain. Upang magawa natin ito, kailangan nating iwaksi ang ating mga takot at mga mali at mapanghusgang pananaw tungkol sa mga taong may sakit sa pag-iisip.
Ngayong pasado na sa Senado ang Mental Health Act, hinihintay naman ang Mababang Kapulungan na magpasá ng katulad na panukalang batas upang opisyal nang maging patakaran ng pamahalaan ang pagtulong sa mga mga Pilipinong malampasan ang kanilang mga problema sa kalusugang pangkaisipan.
Sumainyo ang katotohanan.