872 total views
Ang bawat Arkidiyosesis, Diyosesis at maging sa mahigit 3-libong mga Parokya sa Bansa ay naglunsad ng iba’t-ibang programang tutugon sa pangangailangan ng bawat mananampalataya.
Alinsunod sa misyon ng Simbahan na paghahatid ng Corporal Works of Mercy sa bawat mananampalataya tulad ng pagpapakain sa mga nagugutom, pagpainom sa mga nauuhaw, pagdamit sa mga walang maisusuot, pagbibigay kanlungan sa mga walang tahanan, pagdalaw sa mga bilanggo at maysakit at ang pagbibigay ng maayos na himlayan sa mga sumakabilang buhay, mas pinag- ibayo nito ang paglilingkod sa Sambayanan ng Diyos sa tulong ng bawat kasapi sa Komunidad.
Tulad na lamang ng Caritas Manila ang kilalang Social Arm ng Archdiocese ng Manila na itinatag ni Rufino Cardinal Santos noong 1953 na layong tututok sa pagbibigay ng Programa sa mga mahihirap na pamilya, nasalanta ng iba’t-ibang uri ng kalamidad, mga maysakit at tumutulong sa mga kabataang walang kakayahang makapag-aral na mabigyan ng maayos, de kalidad at libreng edukasyon.
Sa paglipas ng panahon mahigit 6 na dekada ng naglilingkod at tumutulong ang Caritas Manila, mas pinagtibay at pinalakas nito ang mga programang higit pang makatutulong sa mga mamamayan sa ilalim ng pamumuno ni Rev. Anton CT Pascual ang Executive Director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radio Veritas.
Nangunguna dito ang Caritas Damayan, ang programang tumutulong sa pagbibigay ng mga libreng pagsasanay pangkabuhayan, pangkalusugan at mga masasalanta ng kalamidad kung saan noong 2017 umaabot sa halos 18 – milyong pisong pondo ang naipamahagi kabilang dito ang pagbibigay ng libreng gamot at serbisyo medikal sa mga mamamayan.
Pinag-ibayo rin ng Caritas Manila ang Segunda Mana program na magbubukas ng ika – 31 outlet sa ika – 2 ng Hulyo sa Iloilo City ang kauna-unahang branch sa labas ng Luzon.
Mabibili dito ang mga Pre-Loved items tulad ng Damit, Sapatos, Bag, Laruan at Iba pa sa abot kayang halagakung saan ito ay mga Donasyon mula sa mga Organisasyon, mga kumpanya at mga indibidwal na may ginintuang pusong tumulong sa mga mahihirap sa lipunan.
Layunin ng Segunda Mana na pondohan ang Scholarship program na Youth Servant Leadership & Education Program na sa kasalukuyan ay may 5 – libong pinag-aaral sa Bansa at noong 2017 umabot sa mahigit 61 – milyon ang kabuuang gastos nito para sa mga Benipisyaryong mag- aaral.
Tinutulungan din ng Segunda Mana ang pangkabuhayan sa mahigit 300 micro entrepreneurs sa mga mahihirap na komunidad sa Metro Manila at higit sa lahat ay isinusulong dito ang Reduce, Re-use, at Recycle.
Bukod dito, pinalawak din ang Caritas Margins ang mga programang pangkabuhayan tulad ng pagbibigay ng libreng pagsasanay sa mga benipisyaryo na layong makatutulong mawakasan ang kahirapan sa lipunan at makabuo ng Social Enterprise upang maibenta sa mga pamilihan ang de kalidad na produktong gawa ng mga maliit na negosyante.
Habang pinalalakas din ng Caritas Manila ang restorative justice na layong tugunan ang pangangailangan ng mga bilanggo at pagyabungin ang pananampalataya nito sa pamamagitan ng mga formation program.
Inilunsad din ng Archdiocese of Manila sa pamamagitan ng Sanlakbay Tungo sa Pagbabago, isang programa para sa mga lulong sa droga at drug pusher na nagnanais magbagong buhay at makabilang muli sa isang maayos na pamayanan.
Sa kabuuan umabot sa halos 180 – milyong piso ang ginastos ng Caritas Manila sa lahat ng mga programa noong 2017.
Isa lamang ang Caritas Manila sa 86 na mga Diyosesis at Arkidiyosesis at mahigit 3 – libong parokya sa bansa na patunay na patuloy ang pagkilos ng simbahan sa pagtugon at paglingap sa mga mahihirap sa lipunan.
Una nang nanawagan ang Kaniyang Kabanalang Francisco sa bawat isa na tanggapin at kalingain lalo’t higit ang mga nangangailangan upang maibsan ang paghihirap na kanilang dinaranas.