370 total views
Ang mga Kontrobersyal na pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte laban sa Simbahang Katolika ay isang direktang paglabag sa Religious Freedom ng mamamayang Filipino.
Nilinaw ni Atty. Antonio La Viña, dating Dean ng Ateneo School of Good Governance at Convenors ng MANLABAN sa EJK Coalition na bagamat mayroong Freedom of Speech ang bawat mamamayan ay hindi naman dapat ito gamitin upang mang-insulto o manira ng isang Relihiyon o Pananampalataya.
Iginiit ni Atty. La Viña na bilang mga halal na Opisyal ng Bayan partikular na bilang Pangulo ng Bansa ay dapat na mas maging maingat si Pangulong Duterte sa kanyang mga pananalita na hindi dapat na makainsulto o makadiskrimina ng anumang Sektor, Institusyon o Denominasyon sa Bansa.
“Of course it’s a freedom of speech, but as a President he cannot attack a Religion it’s a violation of freedom of religion if he attacks a religion kasi presidente siya. I can attack a Religion, Iglesia ni Kristo, preacher can do that, a priest can do that, we cannot do that because we are not Presidents we are ordinary people, but any government person cannot do that because a government person is supposed to be non-partisan, Independent…” pahayag ni Atty. La Viña.
Gayunpaman nauna ng hinimok ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga Pari ng Archdiocese of Manila at iba pang mga mananampalataya na huwag hayaan na tuluyang magambala at magpadala sa emosyon bunsod ng mga naging Kontrobersyal na pahayag ng Pangulo laban sa Panginoon at relihiyon.
Paliwanag ni Cardinal Tagle, hindi dapat na malihis ang Atensyon ng bawat isa sa mga tunay na suliranin sa Lipunan na dapat na pagtuunan ng pansin upang mabigyang ng naangkop na pagtugon, tulad na lamang ng usapin ng kahirapan, katiwalian at karahasan sa lipunan.
Read: Huwag hayaan ang mga bagay na gambalain ang kapayapaan ng kaisipan