14,727 total views
Mariing kinokondena ng SAMBILOG – Balik Bugsuk Movement ang patuloy na pananakot ng JMV Security Services sa mga katutubong Molbog sa Sitio Mariahangin, Bugsuk, Palawan.
Ayon sa ulat, daan-daang armadong guwardiya ang sapilitang pumapasok sa pamayanan–isang malinaw na paglabag sa karapatang pantao at tangkang palayasin ang mga Molbog mula sa mga lupaing ninuno.
Mula Hunyo 29, 2024, nagsimula ang lumalalang tensyon sa gitna ng tahimik na pagpapaalis sa mga katutubo nang walang due process, na umabot sa insidente noong April 6 kung saan tinutukan ng baril ang dalawang kabataang Molbog at nagdulot ng matinding trauma.
Ayon sa katutubong Molbog na si Marilyn Pelayo, apektado na ang paghahanapbuhay sa komunidad dahil sa mga nararanasang pananakot at pagpapalayas ng mga armadong grupo.
“Hindi kami makapaghanapbuhay nang maayos sa takot, at syempre malaking epekto sa amin ito dahil hindi kami makapag-focus sa hanapbuhay. Ang dating mala-paraisong lugar namin ay napalitan ng takot at pangamba na baka kami ay palayasin sa mahal naming lupa at isla,” ayon kay Pelayo.
Sa kabila ng pananakot, naninindigan ang mga residenteng manatili sa mga lupaing ninuno at tanggihan ang anumang iniaalok na salapi o panunuhol, dahil para sa mga Molbog, ang lugar ay hindi lamang basta lupa kundi kanilang tahanan, pagkakakilanlan, at pamana.
Sa konteksto ng kasaysayan ng militarisasyon at corporate land grabbing mula pa noong Martial Law ng 1974, malinaw na patuloy ang mga paglabag sa Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Panawagan ni Pelayo sa pamahalaan na dinggin ang hinaing ng mga Molbog, at tulungang maligtas ang pamayanan at lupaing ninuno mula sa mapaminsalang hangarin ng pag-unlad.
“Wala nang pakialam halos ang pamahalaan sa maliliit na mamamayang katulad namin. Nananawagan kami sa lahat, pamahalaan, kapulisan, na sana matulungan kami. Huwag sana kayong magbingi-bingihan,” saad ni Pelayo.
Una nang nanawagan si Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona sa mga ahensya ng pamahalaan na mamagitan upang maiwasan ang anumang posibleng karahasan at mapangalagaan ang mamamayan.