270 total views
Nanawagan si Baguio Bishop Victor Bendico sa mamamayan na tutungo sa summer capital ng bansa na kung maaari ay iwasan ang matataong lugar bilang hakbang sa pagpigil ng Novel Corona virus (2019 NCOV).
Ayon sa Obispo, mahigpit ang Baguio City sa pagbabantay upang maiwasang makapasok ang naturang virus.
“Yung mga umaakyat dito sa Baguio ay dapat huwag nang makipagsiksikan sa mga maraming tao lalo na sa mga tourist areas,” pahayag ni Bishop Bendico sa Radio Veritas.
Nauna nang kinansela ng lokal na pamahalaan ang mga gawain sa pagbubukas ng Panagbenga Festival na dinadayo ng libu-libong lokal at dayuhang turista bilang bahagi ng precautionary measures ng lungsod sa lumaganap na NCOV mula Wuhan China.
Tiniyak ni Bishop Bendico na pinahahalagahan ng mga otoridad at opisyal ng lalawigan ng Benguet ang kalusugan ng mamamayan kaya’t hinimok nito ang komunidad na makipagtulungan para sa kanilang kaligtasan.
“Baguio and Benguet nowadays are concerned about the health and safety of their residents,” saad pa ni Bishop Bendico.
Matatandaang kinumpirma ng Department of Health ang dalawang kaso ng NCOV sa bansa sa kapwa dayuhang Chinese kung saan isa dito ang pumanaw dahil sa komplikasyon.
Subalit tiniyak ng D-O-H ang maingat na pagtugon sa usapin upang maprotektahan at manatiling ligtas ang kalusugan ng mamamayan sa kabila ng kumpirmadong kaso.
Patuloy na binabantayan ang mahigit sa 20 indibidwal na persons under investigation.
Payo ni Bishop Bendico sa mamamayan ang agarang pagpapasuri sa mga pagamutan kung makararanas ng mga sintomas ng NCOV partikular na ang mga kabataan lalo’t malamig ang klima sa Baguio.
“Ingatan natin ang kalusugan ng kabataan, malamig sa Baguio ngayon kaya magpatingin kaagad sa mga ospital kung inuubo at sinisipon,” ayon kay Bishop Bendico.