901 total views
Higit sa anumang biyaya ang ibinibigay ng Diyos sa bawat taong humihiling.
Ito ang mensahe ni Fr. Ehersey Giovanni Sulit ng Nuestra Señora de Salambao Mission Parish sa Binuangan Obando Bulacan sa pagdiriwang ng kapistahan ng Mahal na Birhen.
Inihalimbawa ng pari ang karanasan ng mamamayan ng Obando na ang kabuhayan ay mula sa pangingisda ngunit ibinigay ng Diyos ang imahe ng Mahal na Birhen na maging gabay sa buong pamayanan.
“Ang gusto ng tao isda, pero ibinigay ng Diyos, Ina, na magdadasal at gagabay sa atin; tanggapin natin ang paggabay ng Mahal na Birhen, ang kanyang panalangin dahil lagi niya tayong ituturo sa kanyang anak na si Hesus,” pahayag ni Fr. Sulit sa panayam ng Radio Veritas.
Paliwanag pa ni Fr. Sulit na sa tulong ng Mahal na Ina, higit pang nabiyayaan ng maraming huling isda ang mga residente sa lugar para sa kanilang kabuhayan.
Ang Nuestra Señora de Salambao ay isa sa tatlong patron ng Obando Bulacan kasama ang San Pascual Baylon at Santa Clara ng Assissi.
Sa kasaysayan June 19, 1763 nang malambat ng mga mangingisda na sina Juan at Julian de la Cruz ang imahe ng Mahal na Birhen sa karagatan ng Hacienda Tambobong na ngayon ay Malabon City subalit pabigat nang pabigat ang imahe ng dadalhin ito sa baybayin.
Tinungo nina de la Cruz ang Obando Bulacan at inilagak ang imahe sa Parokya ng San Pascual Baylon na pinamunuan noon ni Padre Jose Martinez dela Hinojosa.
Paalala ni Fr. Sulit sa mamamayan na higit palalimin ang pakikipag-ugnayan sa Panginoon at ipagkatiwala ang anumang pangamba lalo na sa kasalukuyang karanasan.
“Kapag nasa atin si Hesus hindi lamang isda kundi mas malaki pang pagpapala ang ating matatanggap sapagkat kasama natin si Hesus,” ani Fr. Sulit.
Ipinagdiriwang ang kapistahan ng Nuestra Señora de Salambao -Mission Parish tuwing ikalawang Linggo ng Mayo kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng mga Ina.
Makalipas ang dalawang taon muling naisagawa ng parokya ang ‘pagoda festival o fluvial procession’ na nilahukan ng mga residente lulan sa kani-kanilang mga banka.
Pinangunahan ni Malolos Bishop Dennis Villarojo ang banal na misang idinaos sa gitna ng laot kung saan nalambat ang imahe ng Mahal na Birhen bilang pasasalamat at pagpaparangal ng mga mangingisda sa Mahal na Birhen na patuloy tumutulong sa pananalangin sa Panginoon para sa masaganang huli.