1,149 total views
Manila,Philippines– Pag-aalis ng Arancel, magtuturo ng kultura ng kagandahang loob.
Magtuturo ng kagandagang loob o pagiging mapagbigay sa mga mananampalataya ang pag–aalis ng Archdiocese of Manila sa “Arancel o fixed rate” ng mga sakramento ng Simbahan.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity, sa pamamagitan ng hakbang ay tuluyang maalis na sa kaisipan ng mga tao na binabayaran nila ang mga sakramentong ibinibigay ng Simbahan.
“Kunyari, kung magpapabinyag, serbisyo iyan, magbibigay ako ng 200. Kung magpapakasal, bibigyan ko ng 600 so para may fixed rate na iyan po ay hindi binibili yung sakramento. Iyan po ay suporta ninyo sa Simbahan. Ang problema sa ating panahon na masyadong materialistic, ang tingin niyan ay parang binibigyan mo ng presyo ang mga serbisyo ng simbahan. Kaya ang tanong ay magkano yung kasal? Magkano yung binyag? Magkano yung libing? Kaya ngayon, ang napagdesisyunan ng PCP II (Plenary Council of the Philippines II) nung 1991, tatanggalin ang Arancel, yung fixed rate na ibinibigay sa bawat serbisyo ng simbahan.”paliwanag ng Obispo sa panayam ng Radio Veritas
Nilinaw ni Bishop Pabillo na mula sa fixed rate ay “pledge o donasyon” na kakayanin ng mga layko ang tatanggapin ng mga pari sa mga ibibigay na sakramento ng Simbahan.
Positibo si Bishop Pabillo na sa pamamagitan nito ay matuturuan ang mga layko na ang pagbibigay sa Simbahan ay pagbabalik lamang ng biyaya sa Diyos bilang kanyang mga katiwala.
Pero bago natin mapatupad yan, kailangan natin ng katekesis sa mga tao, katekesis ng belongingness natin sa simbahan, katekesis tungkol sa stewardship na tayo ay mga katiwala lang ng mga biyaya ng Diyos. Kaya kung tayo ay katiwala lang, hindi tayo nag-aalangan na magbigay sa may-ari, at ang stewardship ay hindi lang yun sa pera. Stewardship sa panahon, stewardship sa pananampalataya, stewardship sa kalikasan, stewardship sa ating vocation. So, may bahagi ang Simbahan diyan sa mga biyaya na natatanggap natin sa Diyos bilang pasasalamat sa kanya, bilang tanda ng tiwala natin sa kanya, bilang tanda ng pagmamahal natin sa kanya.Iwasan o alisin na natin ang Arancel para hindi na magkaroon ng mga misunderstanding. Papasok na tayo dito sa tighting o kaya sa pledging.”pahayag ni Bishop Pabillo
Inaasahan ng Obispo na sa pag-alis ng Arancel ay hindi na magiging dahilan ng mga layko ang mahal na sinisingil ng Simbahan kaya hindi sila makapagpabinyag, makapagpakasal, makapagpalibing.
Iniulat ni Bishop Pabillo na simula sa November 2017 bilang bahagi ng “year of the parish” ay tatanggalin na ang Arancel sa Ecclesiastical province of Manila na binubuo ng Diocese of Malolos, Antipolo, Imus, San Pablo, Apostolic Vicariate of Palawan.
Tiniyak ng Obispo na ang pagbabago batay sa sinasabi ng PCP II ay hindi lamang para sa mga layko kungdi isang malaking pagbabago sa mga pari kalakip ng mabuting serbisyo sa mga mananampalataya.