4,013 total views
Magkatuwang ang Pondo ng Pinoy at Diocese of San Pablo sa lalawigan ng Laguna para matulungan ang mga mahihirap na kabataan na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.
Sa panayam ng Programang Caritas in Action kay Bro. Greg Mendez ng Social Action Center ng Diocese of San Pablo, malaki ang naitulong sa kanila ng Pondo ng Pinoy para masuportahan ang mga kabataan na mula sa mahihirap na pamilya na matupad ang kanilang pangarap sa pamamagitan ng edukasyon.
Nagsimula aniya ang inisyatibong ito ng Diyosesis mahigit 10 taon na ang nakakaraan sa bayan ng Liliw, Laguna kung saan mula sa 32 scholars ay umabot na ito sa halos 100 mag-aaral bago pa dumating ang pandemya.
“Kung tawagin natin ito ay ‘Batang Patio’ ito yung pagbibigay ng educational assistance sa mga bata kung saan may puhunan na binigay ang Pondo ng Pinoy, nagbukas kami ng Canteen at ang Canteen na ito ay nandoon sa Parochial School sa Liliw,[San Sebastian Parish] at mula doon nagsimula ang scholar natin sa 32 na mga bata. bahagi ng programa ang pagkakaroon ng Canteen kung saan ang kinikita doon ay layuning mapadami ang scholars mula sa 32 na bata naging 68 at naging 96 at patuloy pang nadagdagdagan,” pahayag ni Bro. Mendez sa segment ng Pondo ng Pinoy sa Caritas in Action.
Aminado si Bro. Mendez na naka-apekto sa kanilang proyekto ang pagtigil ng face-to-face classes dahil sa epekto ng pandemya bagamat umaasa silang muling mapalakas ang programa sa pagbubukas ng klase.
“Noong nagkaroon ng pandemya naapektuhan ang canteen kasi nagsara ang eskwelahan kaya nung pandemya natigil ito hanggang ngayon walang school walang canteen hindi pa naipagpapatuloy pa.”
Ang mga kabataan ay mula sa mga pamilya na walang regular na kita at maituturing na napapabilang sa poorest among the poor na sektor.
“Yun naging criteria namin una dapat sila ay galing sa indigent families, ito yun mga low income families, mga magulang na hindi regular ang kita, mga ulila o wala ng magulang at sila ay nakikitira lang sa mga kamag anak. Madami dito mga nagsasaka, mga nasa construction ang magulang,” dagdag pa ni Bro. Mendez.
Nagpapasalamat ang Diyosesis sa suporta ng Pondo ng Pinoy na sa pamamagitan ng mga bente singko sentimos ay marami silang mga natutulungang kabataan.
Batay sa datos ng US Agency for International Development noong taong 2021, tumaas sa 25.2 percent ang bilang ng mga out of school youth sa Pilipinas dahil na rin sa pandemya dulot ng covid19.
Patuloy na sinisikap ng Simbahang Katolika na gumawa ng mga programa na makakatulong sa kagusuthan ng mga mahihirap na kabataan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng iba’t-ibang educational assistance program.