533 total views
Hinimok ng Kanyang Kabanalan Francisco ang mga kabataan na paigtingin ang pakikipagkapwa at dalhin si Hesus sa bawat komunidad.
Ito ang mensahe ng Santo Papa sa 37th World Youth Day 2022 at 2023 na gaganapin sa Lisbon Portugal sa August 1 to 6, 2023.
Ayon kay Pope Francis dapat tularan ng kabataan si Maria na naghatid ng kagalakan sa pagdalaw kay Elizabeth at nakahandang humayo sa pamayanan upang dalhin ang presensya ni Hesus.
“Young people always represent the hope for new unity within our fragmented and divided human family. But only if they can preserve memory, only if they can hear the dramas and dreams of the elderly,” bahagi ng mensahe ni Pope Francis.
Tema sa pagtitipon ang “Mary arose and went with haste” na hango sa ebanghelyo ni San Lucas chapter 1 verse 39.
Sinabi ng Dicastery for the Laity, Family and Life na ang mensahe ng Santo Papa sa kabataan ay isang paanyaya upang pagbuklurin ang lipunan sa kabila ng mga hamong kinakaharap tulad ng kaguluhan, karahasan at pandemyang dulot ng COVID-19.
Umaasa si Pope Francis na ang magiging karanasan ng mga kabataan sa 37th World Youth Day ay maging daan upang paigtingin ang misyon tulad ng mga halimbawa ng Mahal na Birhen.
“I hope and I firmly believe that the experience many of you will have in Lisbon next August will represent a new beginning for you, the young, and – with you – for humanity as a whole,” ani Pope Francis.
Paalala ng punong pastol sa kabataan na ang pagtugon ni Maria sa tawag ng Panginoon ay isang halimbawa ng kababaang loob at buong pusong pagtitiwala sa ninanais ng Panginoon.
Samantala naghahanda na ang mga diyosesis sa Pilipinas para magpadala ng mga delegado sa World Youth Day kaya’t sa mga nais dumalo ay makipag-ugnayan lamang sa tanggapan ng Commission on Youth ng bawat parokya para sa detalye.