6,819 total views
Vatican-Inanunsyo ng Holy See Press Office na magtutungo si Pope Leo XIV sa Türkiye at Lebanon sa huling bahagi ng Nobyembre hanggang unang linggo ng Disyembre ngayong taon.
Ayon kay Holy See Press Office Director Matteo Bruni, ito ang magiging unang paglalakbay sa labas ng Roma ni Pope Leo XIV mula nang siya ay mahalal bilang pinuno ng Simbahang Katolika, na inaasahang magbibigay ng bagong pag-asa at inspirasyon sa mga mananampalataya.
Ayon kay Bruni, tinanggap ng Santo Papa ang paanyaya ng mga pinuno ng estado at Simbahan sa dalawang bansa.
Bahagi ng kanyang pagbisita sa Türkiye ang paglalakbay sa İznik, bilang paggunita sa ika-1,700 anibersaryo ng Unang Konseho ng Nicaea — isang makasaysayang pagtitipon ng Simbahan na nagbunga ng Nicene Creed, ang pahayag ng pananampalatayang Kristiyano na ginagamit pa rin sa mga misa sa buong mundo.
Sa panayam ng Vatican News kay Bishop César Essayan, Apostolic Vicar ng Beirut, inilarawan niya ang nakatakdang pagbisita ng Santo Papa sa Lebanon bilang isang dakilang tanda ng pag-asa para sa mga mamamayan sa isang rehiyong matagal nang dumaranas ng kaguluhan at krisis.
Ayon sa obispo, inaasahan nilang ang pagdalaw ng Santo Papa ay magdadala ng hininga ng kapayapaan at panibagong sigla, at magsilbing paalala na ang tunay na daan ng sangkatauhan ay ang kapayapaan na nakaugat sa dayalogo, katarungan, at paggalang sa dangal ng bawat tao.
Binigyang-diin din ni Bishop Essayan na kapwa nanabik ang mga Kristiyano at Muslim sa Lebanon na salubungin si Pope Leo XIV at ang pagnanais ng mga mamamayan na marinig mula sa Santo Papa ang mga salitang nagbibigay-buhay at pag-asa, na nananawagan sa pagkakapatiran at pagkakasundo sa halip na karahasan at digmaan.
Sinabi ni Bishop Essayan, ang pagdalaw ni Pope Leo XIV ay hindi lamang isang pagbisita ng pinuno ng Simbahan, kundi isang mensahe ng pagkakaisa at pag-ibig.