2,046 total views
Paggunita kay Santa Escolastica, dalaga
Genesis 3, 1-8
Salmo 31, 1-2. 5. 6. 7
Mapalad ang pinagbigyang
mahango sa kasalanan.
Marcos 7, 31-37
Memorial of St. Scholastica, Virgin (White)
Mga Pagbasa mula sa
Biyernes ng Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Genesis 3, 1-8
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Ang ahas ang pinakatuso sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoon. Minsa’y tinanong nito ang babae, “Totoo bang sinabi ng Diyos na huwag kang kakain ng anumang bungangkahoy sa halamanan?”
Tumugon ang babae, “Hindi naman! Ipinakakain sa amin ang anumang bunga sa halamanan, huwag lamang ang bunga ng puno na nasa gitna niyon. Pag kami raw ay kumain ng bunga nito o humipo man lamang sa punong iyon, mamamatay kami.”
“Hindi totoo iyan, hindi kayo mamamatay,” wika ng ahas. “Gayun ang sabi ng Diyos, sapagkat alam niyang kung kakain kayo ng bunga niyon, magkakaroon kayo ng pagkaunawa. Kayo’y magiging parang Diyos; malalaman ninyo ang mabuti at masama.”
Napakaganda sa paningin ng babae ang panunongkahoy at sa palagay niya’y masarap ang bunga nito. Nabuo sa isipan niya na mabuti ang maging marunong, kaya’t pumitas siya ng bunga at kumain. Kumuha rin siya para sa kanyang asawa, kumain din ito. Nagkaroon nga sila ng pagkaunawa matapos kumain. Noon nila nalamang sila’y hubad, kaya kumuha sila ng mga dahon ng igos, pinagtagni-tagni at ginawang panakip sa katawan.
Pagdadapit-hapon, narinig nilang naglalakad sa halamanan ang Panginoon, kaya’t nagtago sila sa kahuyan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 31, 1-2. 5. 6. 7
Mapalad ang pinagbigyang
mahango sa kasalanan.
Mapalad ang tao na pinatawad ng yaong kasalanan,
at nalimot na rin ang kanyang nagawang mga pagsalansang;
mapalad ang taong sa harap ng Poon ay di naparatangan
dahilan sa siya ay di nagkasala at hindi nanlinlang.
Mapalad ang pinagbigyang
mahango sa kasalanan.
Ako ay lumapit sa iyong harapan at sala’y inamin,
ang aking ginawang mga pagsalansang di ko inilihim;
pinagpasiyahan kong ang lahat ng ito sa iyo’y idaing,
at aking natamo ang iyong patawad sa sala kong angkin.
Mapalad ang pinagbigyang
mahango sa kasalanan.
Ang lahat ng tapat, sa panahong gipit dapat manalangin,
upang bumugso man ang malaking baha’y di sila abutin.
Mapalad ang pinagbigyang
mahango sa kasalanan.
Kublihan ko’y ikaw, ikaw ang sasagip kung nababagabag,
aking aawitin ang pagkakalinga at ‘yong pagliligtas.
Mapalad ang pinagbigyang
mahango sa kasalanan.
ALELUYA
Mga Gawa 16, 14b
Aleluya! Aleluya!
Kami’y iyong pangaralan
upang aming matutuhan
ang Salitang bumubuhay!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 7, 31-37
Ang Mabuting Balita ng Panginoong ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, pagbalik ni Hesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan siya sa Sidon, at nagtuloy sa Lawa ng Galilea, matapos tahakin ang lupain ng Decapolis. Dinala sa kanya ang isang lalaking bingi at utal at ipinamanhik nila na ipatong sa taong ito ang kanyang kamay. Inilayo muna siya ni Hesus sa karamihan, at isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, lumura at hinipo ang dila nito. Tumingala si Hesus sa langit at nagbuntong-hininga, at sinabi sa tao, “Effata,” ibig sabihi’y “Mabuksan!” At nakarinig na ito, nawala ang pagkautal at nakapagsalita na nang malinaw. Sinabi ni Hesus sa mga tao na huwag ibalita ito kaninuman; ngunit kung kailan sila pinagbabawalan ay lalo naman nilang ipinamamalita ito. Sila’y lubhang nanggilalas, at ang wika, “Anong buti ng lahat ng kanyang ginawa! Nakaririnig na ang bingi, at nakapagsasalita ang pipi!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Natunghayan natin sa Ebanghelyo si Jesus na tumugon sa pangangailangan ng bingi. May pananalig tayong manalangin sa Diyos Ama upang tumugon din siya sa ating mga pangangailangan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, pagalingin Mo kami.
Ang Simbahan at ang kanyang mga miyembro nawa’y maging bukas sa mensahe ng pagpapagaling ng Ebanghelyo, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y maging bukas ang mga tenga at puso sa hinaing ng ating kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Atin nawang laging gamitin ang biyaya ng pagsasalita para ipahayag ang kaluwalhatian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nag-aaruga sa mga bingi at mga pipi nawa’y mapalakas ang kanilang kalooban ng kabutihang-loob ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pumanaw na ay mamahinga nawa sa kapayapaan at ang mga nalulumbay nawa’y mabigyang kasiyahan, manalangin tayo sa Panginoon.
Walang hanggang Ama, hilumin mo ang aming pagkamakasarili at buksan mo ang aming mga puso sa pagtanggap ng Mabuting Balita ng kaligtasan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.