2,034 total views
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Lourdes
Isaias 66, 10-14k
Judith 13, 18bkde. 19
Pinupuri kang lubusan
ng lahat sa ating bayan.
Juan 2, 1-11
Memorial of Our Lady of Lourdes (White)
UNANG PAGBASA
Isaias 66, 10-14k
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Magalak ang lahat,
magalak kayo dahil sa Jerusalem,
ang lahat sa inyo na may pagmamahal,
wagas ang pagtingin;
Kayo’y makigalak at makipagsaya,
lahat kayong tumangis para sa kanya.
Tatamasahin ninyo ang kasaganaan niya
tulad ng sanggol sa dibdib ng kanyang ina.
Sabi pa ng Panginoon:
“Padadalhan kita ng walang katapusang pag-unlad.
Ang kayamanan ng ibang bansa
ay dadaloy sa iyong tila agos ng ilog.
Ang makakatulad mo’y sanggol na buong pagmamahal
na inaaruga ng kanyang ina.
Aaliwin kita sa Jerusalem,
tulad ng pag-aliw ng ina sa kanyang anak.
Ika’y magagalak pag nakita mo ang lahat ng ito.
Ikaw ay lalakas at lulusog.
Sa gayun, malalaman mong
Akong Panginoon ang kumakalinga
sa mga tumatalima sa akin.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Judith 13, 18bkde. 19
Pinupuri kang lubusan
ng lahat sa ating bayan.
Anak, sumasainyo ang pagpapala ng Diyos na Kataas-taasan.
Higit kang pinagpala kaysa lahat ng babae sa lupa.
Purihin ang Panginoon, ang Diyos na lumalang sa langit at lupa.
Pinupuri kang lubusan
ng lahat sa ating bayan.
Ang pananalig sa Diyos na nag-udyok sa iyo
ay hindi na mapaparam sa isip ng mga tao
habang ginugunita nila ang kapangyarihan ng Diyos.
Pinupuri kang lubusan
ng lahat sa ating bayan.
ALELUYA
Lucas 1, 45
Aleluya! Aleluya!
Birheng Mariang mapalad,
sa pananalig mong tapat
sa D’yos na Tagapagligtas
upang sa’yo ay mahayag
ang pag-ibig niyang tapat.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 2, 1-11
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Noong panahong iyon, may kasalan sa Cana, Galilea, at naroon ang ina ni Hesus. Si Hesus at ang kanyang mga alagad ay naroon din. Kinapos ng alak kaya’t sinabi ng ina ni Hesus sa kanya, “Naubusan sila ng alak.” Sinabi ni Hesus, “Huwag ninyo akong pangunahan, Ginang! Hindi pa ito ang panahon ko.” Sinabi ng kanyang ina sa mga naglilingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.”
Doo’y may anim na tapayan, ang bawat isa’y naglalaman ng dalawampu hanggang tatlumpung galon. Nakalaan ang mga ito para sa paglilinis ayon sa tuntuning panrelihiyon ng mga Judio. Sinabi ni Hesus sa mga katulong, “Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan.” At pinuno nga nila hanggang sa labi. Pagkatapos, sinabi niya, “Sumalok kayo ngayon at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.” Dinalhan nga nila ang namamahala ng handaan. Tinikman naman nito ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan nanggaling iyon, bagamat alam ng mga katulong na sumalok ng tubig, kaya’t tinawag niya ang lalaking ikinasal. Sinabi niya rito, “Ang una pong inihahain ay ang masarap na alak. Kapag marami nang nainom ang tao, saka inihahain ang mababang uri. Ngunit ipinagpahuli ninyo ang masarap na alak.”
Ang nangyaring ito sa Cana, Galilea, ay siyang unang kababalaghang ginawa ni Hesus. Sa pamamagitan nito’y inihayag niya ang kanyang kadakilaan, at nanalig sa kanya ang mga alagad.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Pebrero 11
Birhen ng Lourdes
Diyos ng hiwaga, nasa tabi ka namin at nalalaman mo kung ano ang bumabagabag sa amin. Kaisa ni Maria, ang Ina ng iyong Anak at amin ding Ina, tumatawag kami sa iyo.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, umaasa kami sa Iyo.
Ang Santo Papa, mga obispo, mga pari, at mga relihiyoso nawa’y maging tapat sa kanilang pangako sa Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mananampalataya nawa’y palakasin ang kanilang pagtitiwala at pananalig sa iyong tulong at maging handa nawa silang sundin ang iyong kalooban, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinahihirapan ng mga natatagong sakit nawa’y magpasan ng kanilang krus nang buong tapang lalo na kung walang nakahandang dagling panlunas, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makatagpo ng kagalingan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang namayapa naming mga kaanak at mga kaibigan nawa’y tumanggap ng kanilang gantimpalang Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoon, tulungan mo kami upang kami ay maging handang ipagkatiwala ang aming mga sarili sa iyo katulad ng ginawa ni Maria. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.
______________________________________________________________________
Sabado ng Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Genesis 3, 9-24
Salmo 89, 2. 3-4. 5-6. 12-13
Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.
Marcos 8, 1-10
Saturday of the Fifth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Genesis 3, 9-24
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Tinawag ng Panginoon Diyos ang lalaki at tinanong,
“Saan ka naroon?”
“Natakot po ako nang marinig ko kayong nasa hardin; nagtago po ako sapagkat ako’y hubad,” tugon ng lalaki.
“Sinong may sabi sa iyong hubad ka?” tanong ng Diyos. “Bakit kumain ka ba ng bungang ipinagbabawal ko?”
“Kasi, pinakain po ako ng babaing ibinigay ninyo sa akin,” tugon ng lalaki.
“Bakit mo naman ginawa iyon?” tanong ng Diyos sa babae.
“Mangyari po’y nilinlang ako ng ahas, kaya ako natuksong kumain,” tugon naman niya.
At sinabi ng Panginoon sa ahas:
“Sa iyong ginawa’y may parusang dapat,
na tanging ikaw lang yaong magdaranas;
ikaw ay gagapang, ang hatol kong gawad,
at alikabok ang pagkaing dapat.
Kayo ng babae’y laging mag-aaway,
binhi mo’t binhi niya’y laging maglalaban.
Ito ang dudurog ng ulo mong iyan,
at ang sakong niya’y ikaw ang tutuklaw.”
Sa babae nama’y ito ang salaysay:
“Sa pagbubuntis mo ay mahihirapan,
lalo kung sumapit ang ‘yong pagluluwal;
ang lalaking ito na asawang hirang,
susundin mong lagi habang nabubuhay.”
Hinarap naman ng Diyos si Adan at ganito ang sinabi:
“Pagkat nakinig ka sa asawang hirang nang iyong kainin yaong bungang bawal;
sa nangyaring ito, ang lupang tanima’y
aking susumpain magpakailanman,
ang lupaing ito para pag-anihan
pagpapawisan mo habang nabubuhay.
Mga damo’t tinik ang ‘yong aanihin,
halaman sa gubat ang iyong kakanin;
upang pag-anihan ang iyong bukirin,
magpakahirap ka hanggang malibing.
Yamang sa alabok, doon ka nanggaling
sa lupang alabok ay babalik ka rin.”
Eva ang itinawag ni Adan sa kanyang asawa, sapagkat ito ang ina ng sangkatauhan. Ang mag-asawa’y binigyan ng Panginoon ng mga damit na yari sa balat ng hayop.
Sinabi ng Panginoon: “Katulad na natin ngayon ang tao, sapagkat alam na niya ang mabuti at masama. Hindi na siya dapat tulutang kumain ng bungangkahoy ng buhay at baka hindi na siya mamatay.” Kaya, pinalayas sa halamanan ng Eden ang tao upang magbungkal ng lupang kanyang pinagmulan.
Pinalayas nga siya ng Diyos, at sa dakong silangan ng halamanan ng Eden ay naglagay siya ng bantay na kerubin. Naglagay rin siya ng espadang nagniningas upang hindi malapitan ninuman ang punongkahoy ng buhay.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 89, 2. 3-4. 5-6. 12-13
Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.
Wala pa ang mga bundok, hindi mo pa nilalalang,
hindi mo pa nililikha itong buong daigdigan,
ikaw noon ay Diyos na, pagkat ika’y walang hanggan.
Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.
Yaong taong nilikha mo’y bumabalik sa alabok
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
Ang sanlibong mga taon, ay para bang isang araw,
sa mata mo, Panginoon, isang kisapmata lamang;
isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.
Mga tao’y pumapanaw na para mong winawalis,
parang damo sa umagang tumubo sa panaginip.
Parang damong tumutubi, na may taglay na bulaklak,
kung gumabi’y nalalanta’t bulaklak ay nalalagas.
Poon, amin kang tahanan noon,
ngayon at kailanman.
Yamang itong buhay nami’y maikli lang na panahon,
itanim sa isip namin upang kami ay dumunong
hanggang kailan magtitiis na magdusa, Panginoon,
kaming iyong mga lingkod na naghihirap sa ngayon?
Poon, amin kang tahanan noon,
ngayon at kailanman.
ALELUYA
Mateo 4, 4b
Aleluya! Aleluya!
Ang tao ay nabubuhay
sa Salita ng Maykapal
na pagkaing kanyang bigay.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 8, 1-10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong mga araw na iyon, muling nagkatipon ang mga tao. Naubos na nila ang kanilang pagkain, kaya’t tinawag ni Hesus ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Nahahabag ako sa mga taong ito, sapagkat tatlong araw na ngayong kasama ko sila at wala na silang makain. Kung pauuwiin ko nang gutom, mahihilo sila sa daan – galing pa naman sa malayo ang ilan sa kanila.” “Saan po tayo kukuha ng tinapay dito sa ilang para magkasya sa ganito karaming tao?” tugon ng mga alagad. “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” tanong ni Hesus. “Pito po,” sagot nila.
Ang mga tao’y pinaupo ni Hesus sa lupa. Kinuha niya ang pitong tinapay, at nagpasalamat sa Diyos. Pinagpira-piraso niya ang mga iyon at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Gayun nga ang ginawa ng mga alagad. Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Muli siyang nagpasalamat sa Diyos, at iniutos niyang ibigay din iyon sa mga tao. Kumain ang lahat at nabusog; at nang tipunin nila ang mga pira-pirasong tinapay na lumabis, nakapuno sila ng pitong bakol na malalaki. At may apatnalibo ang kumain. Pinayaon ni Hesus ang mga tao, saka siya sumakay sa bangka, at nagtungo sa lupain ng Dalmanuta.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
Sa pagpapakain ng limanlibong tao, ipinakita ng ating Panginoon na ang Diyos Ama ang siyang nagbibigay ng lahat ng ating pangangailangan. Hilingin natin sa kanya ang lahat ng biyayang ipagkakaloob niya sa atin.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, paapawin Mo sa amin ang iyong pagmamahal.
Ang ating mga pastol, lalo na ang Santo Papa at mga obispo, nawa’y patuloy tayong bigyan ng mga tamang katuruan sa pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga may tungkulin upang labanan ang taggutom nawa’y maging matagumpay sa kanilang pagsusumikap na mapakain ang mga milyun-milyong nagugutom na tao, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagugutom kay Kristo nawa’y matagpuan ang iisang Panginoon, iisang pananampalataya, at iisang binyag, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at mga may kapansanan nawa’y makatagpo ng kalinga, suporta, at kasiyahan mula sa kanilang mga pamilya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y makarating sa walang hanggang kasiyahan sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Ama, binigyan mo kami ng tinapay buhat sa Langit upang maging pagkain namin sa aming paglalakbay. Gabayan mo ang bawat hakbang namin sa daan ng katarungan at kapayapaan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.