2,662 total views
Lunes sa Walong Araw na Pagdiriwang
ng Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 2, 14. 22-33
Salmo 15, 1-2a at 5. 7-8. 9-10. 11
D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.
Mateo 28, 8-15
Monday within the Octave of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 2, 14. 22-33
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong araw ng Pentekostes, tumayo si Pedro at ang labing-isang apostol, at nagsalita nang malakas, “Mga kababayan, at mga naninirahan sa Jerusalem: pakinggan ninyong mabuti ang aking sasabihin.
“Mga Israelita, pakinggan ninyo ito! Si Hesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos. Pinatutunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga tandang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat lahat ay naganap sa gitna ninyo. Ngunit ang taong ito na ibinigay sa inyo ayon sa pasiya at pagkaalam ng Diyos sa mula’t mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga makasalanan. Subalit siya’y muling binuhay ng Diyos at pinalaya sa kapangyarihan ng kamatayan. Hindi ito maaaring mamayani sa kanya, gaya ng sinabi ni David:
‘Nakita ko na laging nasa tabi ko ang Panginoon,
Siya’y kasama ko kaya’t hindi ako matitigatig.
Dahil dito, nagalak ang puso ko at umawit sa tuwa ang aking dila,
At ang katawan ko’y nahihimlay na may pag-asa.
Sapagkat ang kaluluwa ko’y di mo pababayaan sa daigdig ng mga patay,
At hindi mo itutulot na mabulok ang iyong Banal.
Ituro mo sa akin ang mga landasing patungo sa buhay,
Dahil sa ikaw ang kasama ko, ako’y mapupuspos ng kagalakan.’
“Mga kapatid, masasabi ko sa inyo nang tiyakan na ang patriyarkang si David ay namatay at inilibing; naririto ang kanyang libingan hanggang ngayon. Siya’y propeta at nalalaman niya ang pangako sa kanya ng Diyos: na magiging haring tulad niya ang isa sa kanyang mga inapo. Ang muling pagkabuhay ng Mesias ang nakita’t hinulaan ni David nang kanyang sabihin:
‘Hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay;
At hindi itinulot na mabulok ang kanyang katawan.’
Itong si Hesus ay muling binuhay ng Diyos, at saksi kaming lahat sa bagay na ito. Nang itaas siya sa kanan ng Diyos, tinanggap niya sa kanyang Ama ang ipinangakong Espiritu Santo at ito’y kanyang ipinagkaloob sa amin, tulad ng inyong nakikita at naririnig ngayon.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 15, 1-2a at 5. 7-8. 9-10. 11
D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.
o kaya: Aleluya.
O Diyos, ako’y ingatan mo, ingatan ang iyong lingkod,
ang hangad ko ay maligtas kaya sa ‘yo dumudulog;
“Ika’y aking Panginoon,” ang wika ko sa aking Diyos,
“Kabutihang tinanggap ko, ay ikaw ang nagkaloob.”
Ikaw lamang, O Poon ko, ang lahat sa aking buhay,
ako’y iyong tinutugon sa lahat kong kailangan.
D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.
Pinupuri ko ang Poon na sa akin ay patnubay.
Kahit gabi diwa niya ang sa aki’y umaakay.
Nababatid ko na siya’y kasama ko oras-oras.
sa piling n’ya kailanma’y hindi ako matitinag.
D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.
Kaya’t ako’y nagdiriwang, ang diwa ko’y nagagalak,
ang lagi kong nadarama’y hindi ako matitinag.
Pagkat di mo tutulutang ang mahal mo ay malagak,
sa balon ng mga patay upang doon ay maagnas.
D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.
Ituturo mo ang landas na buhay ang hahantungan,
sa piling mo’y madarama ang lubos na kagalakan;
ang tulong mo’y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.
D’yos ko, ang aking dalangi’y
ako’y iyong tangkilikin.
ALELUYA
Salmo 117, 24
Aleluya! Aleluya!
Araw ngayong gawa ng D’yos,
magdiwang tayo nang lubos.
Purihin ang Manunubos.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 28, 8-15
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, dali-daling umalis ang mga babae ng libingan. Pinagharian sila ng magkahalong takot at galak. At patakbong nagpunta sa mga alagad upang ibalita ang nangyari.
Ngunit sinalubong sila ni Hesus at binati. At lumapit sila, niyakap ang kanyang paa at sinamba siya. Sinabi sa kanila ni Hesus, “Huwag kayong matakot! Humayo kayo at sabihin sa mga kapatid ko na pumunta sila sa Galilea, at makikita nila ako roon!”
Pagkaalis ng mga babae, pumunta naman sa lungsod ang ilan sa mga kawal na nagbabantay sa libingan at ibinalita sa mga punong saserdote ang lahat ng nangyari. Nagtipun-tipon ang mga ito at matapos makipagpulong sa matatanda ng bayan, sinuhulan nang malaki ang mga kawal. At inutusan sila na ganito ang ipinamalita, “Samantalang natutulog kami kagabi, naparito ang kanyang mga alagad at ninakaw ang kanyang bangkay.” Sinabi pa nila, “Huwag kayong mag-alaala, makarating man ito sa gobernador. Kami ang bahala!” Tinanggap ng mga bantay ang salapi at ginawa ang bilin sa kanila. Hanggang ngayon, ito pa rin ang sabi-sabi ng mga Judio.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Unang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Lunes
Sa gitna ng ating kagalakan dahil nagtagumpay si Kristo sa Kamatayan at siya ay niluwalhati, ilapit natin sa Diyos Ama ang ating mga pangangailangan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos na nagtagumpay, pagpalain Mo kami.
Ang Simbahan nawa’y magpanibago kay Kristong Muling Nabuhay at maghatid ng mensahe ng pag-asa at pag-ibig sa buong mundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno ng pamahalaan nawa’y hindi matakot mamuhay ayon sa katotohanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang kapayapaan ng Panginoong Muling Nabuhay nawa’y manahan sa ating mga puso at sa ating mga tahanan at lumaganap sa buong mundo, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo bilang isang pamayanan nawa’y magbahagi sa lahat ng ating nakakadaupang-palad ng masayang balita ng Muling Pagkabuhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga mananampalatayang namayapa, sa kanilang pagkamatay na kasama ni Kristo nawa’y makabahagi sila sa kanyang kaluwalhatian, manalangin tayo sa Panginoon.
Diyos na aming Ama, idinadalangin namin na ang kagalakan ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ay tumimo nawa sa aming mga isip at puso at lalo kaming ilapit sa iyo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.