546 total views
Muling pinagtibay ng Cardinal Santos Medical Center (CSMC) at ng tanggapan ng Roman Catholic Archbishop of Manila (RCAM) ang Memorandum of Agreement (MOA), kasabay ng pagpapalawak ng mga benepisyong pangkalusugan para sa mga pari at lay employees ng arkidiyosesis.
Kabilang sa mga benepisyo ang karagdagang diskwento sa room and board charges, ancillary tests and procedures, at mga gamot mula sa ospital—na layong bigyang suporta ang mga lingkod ng Simbahan sa pisikal na kalagayan habang patuloy na naglilingkod sa pananampalataya at sa sambayanan.
“This collaboration reaffirms our shared mission to serve with compassion, excellence, and integrity—ensuring that those who dedicate their lives to faith and service receive the quality healthcare they deserve,” ayon sa pamunuan ng CSMC.
Pinangunahan ang MOA renewal signing nina CSMC President and Chief Executive Officer Raul Pagdanganan at RCAM Vicar General and Moderator Curiae Msgr. Reginald Malicdem.
Kasama rin sa nasabing gawain sina Metro Pacific Health Director for Corporate Development Jose Noel de La Paz, CSMC Vice President and Chief Medical Officer Dr. Antonio Say, CSMC Senior Vice President and Chief Financial Officer Marivic Mabuti, RCAM Treasurer Fr. Gilbert Kabigting, at RCAM Minister for Health Care Fr. Arnel Calata, Jr.
“This renewed partnership is a testament to our continuing commitment to caring for those who care for others,” ayon pa sa CSMC.
Ang Cardinal Santos Medical Center (CSMC), na dating kilala bilang St. Paul’s Hospital of Manila, ay itinatag ng Maryknoll Sisters bago pa man ang ikalawang digmaang pandaigdig.
Lubhang napinsala ng digmaan ang ospital, at isa si Manila Archbishop Rufino Jiao Cardinal Santos sa nagbahagi ng tulong-pinansyal upang muli itong maitayo.
Noong August 15, 1974, muling binuksan ang ospital sa pangalang Cardinal Santos Memorial Hospital, bilang parangal sa kauna-unahang Pilipinong kardinal, na kalauna’y naging Cardinal Santos Medical Center.