450 total views
Ipinapanalangin ng Kanyang Kabanalan Francisco ang kaligtasan ng sanlibutan sa banta ng trahedya at kalamidad.
Sa Christmas message ng Santo Papa sinabi nitong nawa’y maging ligtas ang Pilipinas sa epekto ng mga kalamidad lalo’t sunod-sunod ang mga bagyong dumaan sa bansa at nagdulot ng malawakang pagbaha.
“May the King of heaven protect all victims of natural disasters in Southeast Asia especially in the Philippines and Vietnam, where numerous storms have caused flooding with devastating repercussions in people in terms of loss of life, harm to the environment and consequences for local economies,” bahagi ng mensahe ni Pope Francis.
Matatandaang nitong Nobyembre magkakasunod ang pananalasa ng bagyong Quinta, Rolly, Sonia, Tonio at Ulysses sa Luzon kung saan nagdulot ng malawakang pagbaha sa Bicol Region, National Capital Rregion at Cagayan Valley.
Bukod sa bagyong Rolly na labis puminsala sa Bicol, pinakamapinsala rin ang bagyong Ullysses na nakaapekto sa NCR at iba pang parte ng Luzon.
Batay sa tala ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) mahigit sa 11-bilyong piso ang pinsala ng super typhoon Rolly habang 12 bilyong piso naman sa bagyong Ulysses.
Humigit kumulang limang milyong indibidwal din ang apektado lalo na ng bagyong Ulysses na nagpalubog sa ilang lugar ng Bicol region, National Capital Region, Cagayan at Isabela kung saan humigit kumulang 70 katao ang nasawi.
Paalala ni Pope Francis sa mananampalataya na ang pagsilang ni Hesus ay paanyaya sa lahat na magkaisa at magtulungan upang maipadama ang tunay na diwa ng pag-iibigan at pakikipagkapwa tao na nagdadamayan lalo na sa panahon ng kagipitan.