3,728 total views
Nananatiling bukas ang Santuario del Sto. Cristo Parish sa San Juan City sa pagtanggap ng mga evacuee na apektado ng sama ng panahon dulot ng pinalakas na hanging Habagat at nagbabadyang pinsala na dala ni tropical depression Dante.
Ayon kay Joaquin Miguel Castillon, national coordinator ng Dominican Youth Movement-Philippines at kinatawan ng Kadang Dominiko Parish Youth Ministry, kinakalinga ng parokya ang humigit-kumulang 80 pamilya o higit 300 indibidwal na nagsilikas bunsod ng patuloy na pag-ulan at banta ng pagbaha.
Sa pinakahuling ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), itinaas na sa tropical depression category ang binabantayang low pressure area (LPA) sa silangan ng Aurora, at pinangalanang Bagyong Dante.
“We’re expecting, based on the weather forecast, kasi mas lalala pa yata ang sitwasyon ng ating ulan pagdating ng Wednesday and Thursday. So we’re just preparing to accept more evacuees as the days go by, and sana tumigil na rin ‘yung ulan, kahit papaano by Friday, para ‘yung families din natin ay makabalik na sa kanilang mga tahanan at ma-assess kung kumusta na ba ‘yung mga damages sa kanilang mga bahay,” pahayag ni Castillon sa panayam ng Radyo Veritas.
Bumisita rin sa parokya si San Juan City Mayor Francis Zamora upang personal na kumustahin ang mga nagsilikas, kung saan namahagi rin ito ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailanan.
Dagdag pa ni Castillon, tumatanggap ang parokya ng mga donasyon tulad ng hot meals, damit, kumot, at hygiene kits upang matugunan ang patuloy na lumalaking pangangailangan ng mga nagsilikas.
“So far, okay pa naman po pero we would appreciate any help, in kind po,” ayon kay Castillon.