225 total views
Umapela ng tulong sa mga mananampalataya ang Order of the Augustinian Recollects (OAR) sa paghahanap sa nawawalang orihinal na kamay at ulo ng imahen ng Our Lady of Mount Carmel 42-taon na ang nakakalipas.
Ayon kay Fr. Rommel Rubia, OAR Head of Commission of Culture, Heritage & History, napapanahon na upang maibalik ang mga orihinal na bahagi ng imahen ng Mahal na Birhen lalo’t gugunitain na sa susunod na taon ang ika-400 anibersaryo ng pagdating sa Pilipinas ng imahen ng Our Lady of Mount Carmel.
Apela ni Father Rubia na siya ring dating Rector ng Minor Basilica of San Sebastian na kilala rin bilang National Shrine of Our Lady of Mount Carmel, bukod sa pagdarasal ay kinakailangan rin ng tulong ng bawat mananampalataya upang makapangalap ng anumang impormasyon sa kinaroroonan ng nawawalang bahagi ng imahen.
Pagbabahagi pa ng Pari, tanging ang katawang kahoy at imahen ng Sanggol na si Hesus na lamang ang orihinal mula sa kasalukuyang imahen ng Our Lady of Mount Carmel.
“It is one of our hopes and dreams na maibalik yung original na ulo at kamay na ninakaw noong 1975 and gusto naming maipaabot kung merong nakakaalam any information, you help us this is a fitting time to return that lost item kasi magsi-celebrate siya ng 400 ng arrival niya, ang naiwan nalang original diyan is the baby Jesus and yung katawan na gawa sa kahoy but the ulo at kamay ng Mahal na Birhen ay nawawala, so we are asking and praying, we are praying actually we continue praying but we are also asking the help of ordinary people not just to pray but to look for it and hopefully it will be return back on time for the 400 centenary celebration…”pahayag ni Father Rubia sa panayam sa Radio Veritas.
Taong 1618 ng dumating ang imahe ng Our Lady of Mount Carmel sa bansa dala ng mga Augustinian Recollect mission bilang regalo mula sa mga Carmelite nuns sa Mexico at agad na nagbunga ng maalab na debosyon sa mga mananampalataya.
Makalipas ang tatlong taon, taong 1621 ay itinanghal na patron ng dating San Sebastian Church sa Calumpang ang Nuestra Señora del Carmen at magpahanggang sa ngayon ay nananatili pa ring patron ng San Sebastian Basilica.
Gayunpaman, July 9, 1975 nang manakaw ang orihinal na ulo at kamay ng Our Lady of Mount Carmel na gawa sa Ivory.
Samantala, sa susunod na taon ay nakatakda namang gunitain ang ika-400 anibersaryo ng pagdating sa Pilipinas ng imahen ng Mahal na Birhen kung saan inaaasahang magsagawa ng isang Grand Fluvial Parade ang pamunuan ng San Sebastian Basilica, Order of the Augustinian Recollects at Augustian Recollect Sisters sa July 16, 2018 upang gunitain ang pagdating sa bansa ng imahen noong 1618.
Ang imahen ng Our Lady of Mount Carmel ay mas kilala na imahen ng Mahal na Birhen tuwing Traslascion ng Mahal na Poong Hesus Nazareno kung saan isinasagawa ang Dungaw o ang literal na pagsasadula sa pagsilip ng Mahal na Birheng Maria sa pagpapakasakit ng kanyang anak na si Hesus.