305 total views
Mga Kapanalig, sa kanyang homilya sa isang misa para sa paggunita sa ika-500 taóng anibersaryo ng Ebanghelisasyon sa Pilipinas o ang pagdating ng Kristiyanismo sa ating bayan, inilarawan ni Pope Francis ang mga Pilipinong naroroon sa Roma bilang mga “smugglers of faith”.
Hindi man maganda sa pandinig ang salitang “smuggler” dahil para itong gawaing kriminal, mauunawaan nating ang pakahulugan ng Santo Papa sa salitang ito ay akma sa isang mundong patuloy na tumatalikod sa Diyos, isang mundong nababalot ng dilim na dala ng kasalanan at kasamaan. Ayon kay Pope Fancis, kahit nasaan ang mga Pilipino, lagi tayong umaani ng pananampalataya. Nakikita niya sa pagsusumikap ng mga Pilipino, lalo na ang mga nakakasalamuha niya sa Roma, kung paano tayo nagiging saksi ng ating Kristiyanong pananampalataya. Para daw tayong may dalang nakahahawang sakit, ngunit ang ikinakalat natin ay ang Mabuting Balita na ating unang narinig limandaang taon na ang nakararaan. Isa itong katangian nating mga Katolikong Pilipino na ipinagpapasalamat ng ating Santo Papa.
Masalimuot ang kasaysayan ng ating Simbahan mula nang napadpad sa ating dalampasigan ang mga dayuhang nagdala ng pananampalatayang Katoliko. Hindi rin maitatanggi ang katotohanang maraming pagkukulang ang Simbahang Katolika sa Pilipinas. Hindi ito perpektong institusyon, ngunit hindi rin naman nito layong maging isang institusyong hindi nagkakamali. Tayo sa Simbahan ay mga taong nakagagawa ng mali, ngunit bilang mga tagasunod ni Kristo, buong pagpapakumbaba nating inaako ang mga ito, natututo, at nagsusumikap na gawin ang tama, na sundin ang kalooban ng Diyos.
Sa homilyang muli ni Pope Francis, inuudyukan niya tayong magpatuloy sa gawain ng Ebanghelisasyon, ang ihatid ang Mabuting Balita ng Diyos sa ating kapwa. Ngunit hindi ito katumbas ng tinatawag na proselytism, o ang pagpilit sa ibang taong pikit-matang tanggapin ang ating mga pinaniniwalaan at mga katuruan. Sa kabila ng ating kahinaan at mga kasalanan, gayundin ng maraming balakid sa ating paligid, tayo ay inaanyayahang ibahagi sa iba ang mensahe ng Ebanghelyo ng pag-ibig ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng pag-ibig sa ating kapwa. Diin ni Pope Francis, hindi kalooban ng Diyos na may mamatay, kaya ang Simbahan—tayong lahat iyon, relihiyoso at laiko—ay tinatawag na kalingain ang kapwa nating nasasaktan, naghihirap, at isinasantabi. Ito ang mensahe ng pag-ibig na mababasa natin sa Juan 3:16, “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya’t ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak.”
Sa kasalukuyang kalagayan ng ating bayan—limandaan taon mula nang dumating ang Kristiyanismo—paano natin naisasabuhay ang mensahe ng pag-ibig ng Diyos? Bilang isang Simbahan, paano natin nagagawa ang misyong tanggapin at ipalaganap ang kaligtasang mula kay Hesus, ang anak ng Diyos na ibinigay Niya dahil sa kanyang pag-ibig sa atin?
Paano natin naipapalaganap ang Mabuting Balita sa gitna ng patuloy na paghihirap ng marami sa atin dahil sa pandemya—sa milyun-milyong manggagawang nawalan ng trabaho, mga magulang na nawalan ng hanapbuhay, mga bata at nakatatandang pinapabayaan at inaabuso, mga kapatid nating nagkasakit at namatay dahil sa hindi pa rin mapigilang sakit?
Mga Kapanalig, gustuhin man nating ipagdiwang ang espesyal na okasyong ito sa ating Simbahan sa pamamagitan ng masasaya at banal ng mga pagtitipon, kailangan nating ipagpaliban ang mga ito sa gitna ng mga pangyayari sa ating bansa. Ngunit balikan natin ang paglalarawan ni Pope Francis sa ating mga Pilipinong mananampalataya—mga “smugglers of faith”. Sa gitna ng dilim na bumabalot sa ating paligid, subukan nating magpuslit ng pananampalatayang nagdadala ng liwanag—isang liwanag na nagmumula sa ating pag-ibig sa Diyos, isang liwanag na kahit gaano man kahina, nagagawang magparamdam sa iba na hindi tayo iniiwan ng Diyos, na may pag-asa at pagbabagong darating. Ito ang biyaya ng ating pananampalatayang Katoliko.
Sumainyo ang katotohanan.