295 total views
Makiisa sa pananalangin sa pamamagitan ng mga mobile prayer group.
Ito ang panawagan ni Rev. Fr. Atilano Fajardo, CM, head ng Public Affairs Ministry ng Archdiocese ng Manila sa mamamayan bilang tugon sa mga kasalukuyang pangyayari sa bansa.
Ayon sa Pari, mahalagang makibahagi ang bawat isa sa mga napapanahong usapin sa lipunan kung saan ang mga dukha ang kadalasang biktima ng kawalang katarungan at pang-uusig sa bayan.
“Sa nangyayari po ngayon sa ating bayan pinapanawagan po natin na hindi lamang tumayo at manuod kundi po ang mga communities kung saan nandiyan po ang karamihan sa mga naging biktima ng kahirapan, poor communities po natin ay magkaroon ng mobile prayer group, kung saan tuwing alas 6 ng umaga at alas 6 ng gabi magkaroon ng panalangin.” panawagan ni Father Fajardo
Hinimok ni Father Fajardo ang bawat lider ng mga grupo sa sektor ng mahihirap at manggagawa na bumuo ng mobile prayer community na siyang mangunguna sa pagdadasal araw-araw sa mga kapilya o sa mga lugar kung saan marami ang mga mahihirap.
Naniniwala ang pari na ang mga biktimang mahihirap din ang mangunguna sa pag-ahon ng bayan at tugon sa mga umiiral na suliranin.
Binigyan diin ni Father Fajardo na nararapat itayo ng mga mahihirap ang dignidad ng bansa mula sa mapanirang pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte lalo na ginawang pambabastos sa Panginoon.
Ang panalangin na ito ay para sa paglilinis at paghihilom ng bawat isa at pagkakaisa ng lahat ng mamamayan.
Magugunitang malaking porsiyento sa tinatayang mahigit 20 – libong nasawi sa madugong kampanya kontra ipinagbabawal na gamot ay pawang mga mahihirap na hanggang sa kasalukuyan hindi pa nakakamit ang katarungan.
Umaasa si Fr. Fajardo, na ipagpatuloy ng bawat mananampalataya ang pananalangin para sa paghilom, kaayusan, pagkakaisa at kapayapaan sa bayan.
Read:
2-MINUTONG PANANALANGIN PARA SA PAGLILINIS AT PAGBABALIK LOOB NG PILIPINAS
Ama naming mapagmahal, Sinasamba ka nami’t pinasasalamatan.
Mahabag ka po sa inaaping bansang Pilipinas na ngayon ay nasa gitna ng kasamaan at kadiliman. Iligtas mo po kaming Simbahan ng mga dukha sa kampon ni Satanas – sa walang habas na pagpatay, korapsyon, kasinungalingan at kawalan ng katarungan!
Pagkalooban mo po kami ng tunay na pagsisisi, pagbabalik – loob at pagbabagong anyo mula Luzon, Visayas at Mindanao alang-alang sa mga mahihirap, nangangailangan, kaawa-awa at walang wala.
Nang sa gayon, maghari po ang Iyong katotohanan, katarungan, kapayapaan, kaligtasan at pagmamahal.
Sa Kamahal-mahalang puso ni Hesus at Kalinis-linisang puso ni Maria, buong kababaang loob naming isinusuko ang lahat-lahat sa IYO.
Kaya Ama, ibuhos mo po sa amin ang kabanal-banalang dugo ni HESUKRISTO kaisa ng ESPIRITU SANTO ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.
San Jose at lahat ng mga Banal at mga Anghel, ipanalangin po ninyo kami.
(Dasalin ang 1 AMA Namin, 1 Aba Ginoong Maria at 1 Luwalhati) S. Pakidasal din po nito bago matulog at pagkagising sa umaga kasama ang “SUMASAMPALATAYA”.