176 total views
Nanawagan ang Commission on Human Rights (CHR) sa publiko na maging aktibo at mapagmasid upang maging matagumpay ang layunin ng pagpapatupad ng election gun-ban ngayong halalan.
Paliwanag ni CHR Chairman Jose Luis Martin Gascon, mahalagang mapanatili sa halalan ang kalayaan ng bawat botante na makapagpasya sa kung sinong kandidato ang ihahalal bilang bahagi na rin ng karapatan ng bawat mamamayan sa bayan.
‘Hindi nga magamit itong lakas ng paggamit ng baril para mag-intimidate ng tao sa panahon ng eleksyon, kaya importante talaga nagmamasid tayo at kayo po sa media malaki po ang papel para mabulgar sa sambayanan na mayroon pong nag-aabuso nito,” ang bahagi ng pahayag ni Chairman Gascon.
Dagdag pa ni Gascon, hindi magiging malaya sa pamimili at pagboto ang mga botante kung mayroong pananakot at banta sa kanilang buhay.
Sa tala mula ng simulan ang pagpapatupad ng Election Gun Ban noong ika-10 ng Enero, tinatayang aabot na sa mahigit 1,100-indibidwal ang nadakip ng Philippine National Police.
Umaabot din sa halos 1,000 armas, patalim, replika ng baril at mga granada ang nakumpiska ng otoridad.
Sa tala ng PNP, umabot sa 81 ang kaso ng election-related violence sa buong bansa noong 2013 habang naitala naman ang 176 na kaso ng karahasan kaugnay ng halalan noong 2010.
Batay naman sa Department of Interior and Local Government (DILG) aabot sa 71 private armed groups sa buong bansa.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahan, ang pagpapahalaga sa kalayaan ng bawat isa sa pagpapahayag ng sariling opiyon at pagdedesisyon ay nararapat tupdin at hindi pigilan sa anu pa mang pamamaraan pagkat ito ay bahagi ng karapatang pantao ng bawat mamamayang Filipino.