163 total views
Pasakit sa mga consumer at micro entrepreneurs ang plano ng incoming Duterte administration na itaas sa 15-percent ang value added tax o VAT mula sa kasalukuyang 12-percent.
Tiniyak ni Employer’ Confederation of the Philippines (ECOP) chairman emeritus Donald Dee na higit na maapektuhan ang ekonomiya ng Pilipinas sa balakin.
“Alam naman natin na gustong mangyari ng bagong administrasyon na i–adjust ‘yung income tax rate, ibaba ‘yung buwis, ‘yung percentage ng income tax. Bababa rin ‘yung revenue, ‘yung kikitain ng gobyerno, ang kanilang iniisip paano nila marerekober ‘yung mawawala sa aming mga negosyante, kasi madalas naming sinasabi ang solusyon po diyan ay hindi i–transfer ‘yung burden nung mataas na income tax ilalagay natin sa tama ngunit ipapasa naman natin sa consumption tax, ang taumbayan tatamaan pa rin,” pahayag ni Dee sa panayam ng Veritas Patrol.
Nakikitang solusyon naman ni Dee ay ang panghihikayat pa sa mga investors na mamuhunan sa bansa upang lumakas ang ekonomiya ng bansa at makapaglikha pa ng maraming trabaho.
“Ang talagang solusyon diyan ay ayusin natin ang ekonomiya para magkaroon tayo ng madaming investment lumaki ang ating ekonomya, magkaroon ng mas madaming trabaho. Para ‘yung investment na ‘yun ay dun tayo kikita, dun tayo makakabawi sa ating na mawawalan ng income dahil binabaan natin ang tax rate natin,” giit pa ni Dee sa Radyo Veritas.
Nabatid batay sa mga pag-aaral, lumabas na ang 30 hanggang 32 porsiyento na pagpapataw ng buwis sa sahod sa Pilipinas ang isa sa pinakamataas kumpara sa iba pang bansa sa Asya.
Isinusulong naman ng panlipunang katuruan ng Simbahang Katolika na laging alalahanin ang kabutihang pangkalahatan sa anumang paggalaw sa presyo ng panginahing bilihin sa merkado.