373 total views
500 katao ang nabibigyan at naseserbisyuhan ng San Vicente De Paul Parish sa Ermita Maynila kada araw bilang bahagi ng kanilang misyon na makatulong sa mga mahihirap at mga naninirahan sa lansangan.
Ayon kay Rev. Fr. Joel Rescober CM, Kura-Paroko ng nasabing parokya, hanggang sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang kanilang mga programa tulad ng community pantry sa Parokya at feeding program para sa mga bata.
Nagpapasalamat si Fr. Rescober sa patuloy na biyaya na dumadating sa kanilang Parokya dahilan para maipagpatuloy nila ang kagustuhan na makatulong.
“mapalad ang aming parokya sapagkat isa kami sa napili upang maging beneficiary ng mga programa nila para sa mahihirap lalo na ngayon pandemya talagang kami po ay maraming mga biyaya na natanggap kumbaga daluyan lang kami ng biyaya mula sa Caritas [Manila] na binabahagi din naman sa mga tao.”pahayag ni Fr. Rescober sa programang Caritas in Action.
Gamit ang sariling sasakyan ng parokya, ibinahagi ni Fr. Rescober na sila ay nag-iikot din sa mga nasasakupan ng San Vicente De Paul Parish para magbigay ng pagkain sa mga nangangailangan bukod pa sa araw-araw na pag-pila ng mga residente sa community pantry.
“we do our best to follow protocol pagka-medyo mahigpit ang quarantine umiikot kami gamit ang van ng Parokya alam naman ng mahihirap saan kami mahahanap. Yun po ang naging sistema namin, eto nga nung sumikat ang community pantry nasa 54 days na kami everyday every morning except Sunday may mga pamilya na pumipila from the nearby barangay kahit papaano nakakapagbigay ng pangluto sa isang araw.” kwento pa ni Fr. Rescober.
Aminado ang Pari na sa kabila ng kanilang pagmimisyon ay nakakaranas din sila ng mga pagsubok ngunit labis ang kanilang pasasalamat at pananalig sa Diyos sapagkat hindi pa din sila nawawalan ng maibabahagi sa kapwa.
“Ako nasubukan ko na ang providence ng Diyos kapag konti na ang resources may dumadating meron din naman minsan na yun mga volunteers napapagod din pero nandiyan po sila nandun ang kanilang commitment to atleast a little time to share in order to response sa needs ng poor”
Batay sa datos aabot sa 3.1 Milyon ang maituturing na homeless o walang maayos na tirahan sa Metro Manila.
Patuloy na sinisikap ng Simbahang Katolika na magsagawa ng mga programa para makatulong na maibsan ang gutom at paghihirap ng marami sa ating mga kababayan na naapektuhan ng lockdown at mga quarantine measures.