8,738 total views
Hinimok ni Franciscan Capuchin Fr. Troy De Los Santos ng St. Joseph Cathedral sa Abu Dhabi United Arab Emirates ang mananampalataya na ipalaganap sa buong pamayanan ang biyaya ng muling pagkabuhay ni Hesus.
Sinabi ng pari na dapat hindi manatili sa mga simbahan ang diwa ng muling pagkabuhay ng Panginoon kundi dapat maramdaman sa buong pamayanan.
“Nawa’y ang pagdiriwang na ito ay maging daan upang muling manumbalik ang ating pananampalataya, pagtitiwala, at pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Huwag nating hayaang manatili lamang ang Pasko ng Pagkabuhay sa loob ng simbahan—dalhin natin ito sa ating mga tahanan, sa ating trabaho, at sa bawat araw ng ating buhay,” bahagi ng mensahe ni Fr. De Los Santos.
Binigyang diin ni Fr. De Los Santos na ang muling pagkabuhay ni Hesus ay paalala na sa kabila ng lahat ng pinagdadaaanang mga pagsubok, sakit, at kawalang katiyakan ay may bagong simula at pag-asang hatid ni Hesus sa sanlibutan.
Iginiit ng pari na ang tagumpay ni Hesus ay paalala na sa gitna ng kadiliman ay tumatanglaw ang liwanag na hatid ni Hesus sa sanlibutan at sa bawat pagsubok ay may kaakibat na pagtatagumpay.
Ibinahagi ni Fr. De Los Santos sa mga Filipino migrants lalo sa Middle East na ang mahalagang pagdiriwang ng pananampalatayang kristiyano ay paanyayang magpatuloy sa buhay sa kabila ng mga karanasan.
“Ngayong Year of Hope, ang Pasko ng Pagkabuhay ay isang paalala na sa kabila ng lahat ng ating pinagdaanan—mga pagsubok, sakit, at kawalan ng katiyakan—may bagong simula,” ani ng pari.
Libu-libong mga Pilipino sa UAE ang dumalo sa pagdiriwang kabilang na si Ambassador Alfonso Ver.