725 total views
Inihayag ni Daet Bishop Herman Abcede, RCJ na buong puso at kapakumbabaang tinatanggap ang tawag ng Panginoon sa paglilingkod bilang pastol sa lalawigan ng Camarines Norte.
Ayon sa obispo tulad ng Mahal na Birhen na nagtiwala sa Panginoon at naging instrumento upang maisakatuparan ang plano ng Diyos ay ganito rin ang kanyang gagawin sa pagsisimula ng mga gawaing pagpapastol sa mahigit kalahating milyong katoliko sa diyosesis.
“Ganun nalang ang ating attitude like Mary, Joseph, Peter, standing infront of a call, big responsibility just have to humble ourselves and allow God to use us so that His plan would be realized,” pahayag ni Bishop Abcede sa panayam ng Radio Veritas.
Dagdag pa ng obispo na bilang relihiyosong bahagi ng Rogationist missionaries ay hindi kailanman sumagi sa isipan na magiging obispo na kaakibat ang malaking tungkulin sa simbahan at buong pamayanan.
Tinuran ni Bishop Abcede ang pagkakataong naitalaga at naluklok bilang ikalimang pastol ng diyosesis lalo’t ngayong taon ay ipinagdiriwang ang ika – 50 anibersaryo ng pagkatatag na isang paanyaya sa nasasakupan na patuloy magbuklod tungo sa paglago ng kristiyanong pamayanan.
Binigyang diin ng obispo ang kanyang episcopal motto na ‘Rogate Ergo Dominum Messis’ na panawagan sa mga pari at layko na sama – samang maglalakbay sa pananalangin para sa pagyabong ng bokasyon at manggagawa sa ubasan ng Panginoon.
“Ang aking motto na ‘Rogate Ergo Dominum Messis’ I took it as an inspiration para sa aking ministry as bishop, I wanted people to become aware that we need to pray for more laborers, so that when we are touch we will be the one to answer of our prayer,” ani Bishop Abcede.
Samantala pinasalamatan ng obispo ang namayapang si Pope Francis na sa kabila ng matinding karamdaman ay hindi pinababayaan ang mga kawang nangangailangan ng pastol.
Matatandaang February 14 nang maospital si Pope Francis na tumagal ng mahigit isang buwan ngunit March 4 ay isinapubliko ng Vatican ang appointment ni Bishop Abcede bilang pastol ng Daet.
Ayon naman kay installing prelate Caceres Archbishop Rex Andrew Alarcon bagamat pumanaw si Pope Francis at kasalukuyang sede vacante ang Holy See ay nagpapatuloy pa rin ang ordinasyon at pagluklok ng mga obispo tanda ng pagiging buhay ng Diyos na nagsugo sa mga pastol.
“Bagamat wala tayong Holy Father ito’y nagpapakita ng continuity dito sa ating simbahan, we are a living church and God is there providing shepherds for us,” saad ni Archbishop Alarcon sa panayam ng Radio Veritas.
Nagsilbing co consecrator ni Archbishop Alarcon sa ordinasyon ni Bishop Abcede si Lipa Archbishop Gilbert Garcera at Parañaque Bishop Jesse Mercado na ginanap sa Most Holy Trinity Cathedral.
Magiging katuwang ni Bishop Abcede sa pagpapastol sa 30 mga parokya ang humigit kumulang sa 60 mga pari ng diyosesis.