3,514 total views
Nanawagan ang Aksyon Klima Pilipinas (AKP) kaugnay sa climate action, na magtakda ang pamahalaan ng mas mataas at tiyak na target sa pag-update ng Nationally Determined Contribution (NDC) ng Pilipinas.
Ang NDC ay ang kusang-loob na pangako ng bansa na pababain ang antas ng greenhouse gas (GHG) emissions at paigtingin ang mga hakbang sa pang-angkop, bilang bahagi ng 2015 Paris Climate Agreement.
Ayon kay AKP national coordinator John Leo Algo, kinakailangan ang higit na pananagutan sa pagpapatupad ng mga plano sa klima sapagkat hindi sapat ang kasalukuyang mga estratehiya ng pamahalaan.
“The recent flood control scandals have shown us that current climate strategies are simply not enough. We need a stronger commitment in our next NDC, and we are more than capable of turning promises into actions,” pahayag ni Algo.
Magugunita noong 2021, nangako ang Pilipinas na babawasan ang greenhouse gas emissions ng 75% sa pagitan ng 2020–2030, subalit 72.29% nito ay “conditional” o nakadepende sa pondo at suporta mula sa ibang bansa.
Iginiit ng AKP, malinaw na may kakayahang pondohan ng bansa ang malaking bahagi ng climate strategies, kabilang ang pangangalaga sa kagubatan, reforestation, at paglipat mula sa paggamit ng fossil fuels patungo sa renewable energy.
Batay sa ulat, hindi pa umaabot sa 1% ng kabuuang USD72 bilyon o P4 trilyon na kinakailangan para sa pagpapatupad ng NDC ang nagagamit na pondo, at 88% pa ng climate finance na natanggap ng Pilipinas mula sa mayayamang bansa ay nagmula sa utang.
“The climate crisis is also an issue of accountability. Anyone responsible for worsening the climate crisis and its impacts being experienced by Filipinos, from corrupt and incompetent leaders to fossil fuel corporations, must be held accountable for their actions. Polluters must pay,” giit ni Algo.
Kasabay nito, hinikayat ng AKP ang sangay ng ehekutibo na makipagtulungan sa Kongreso upang matiyak na ang pambansang pondo ay nakaayon sa prayoridad para sa climate action.
Sinabi ni Algo na hindi maikakaila na nararapat lamang singilin ang mga mauunlad na bansa para sa kanilang pagkakautang sa kalikasan sa mga bansang mahina tulad ng Pilipinas.
“But even within our country, in some cases, it is not about a lack of money; it is how it is spent and whose hands they end up in,” dagdag ni Algo.
Target ng pamahalaan na matapos ang pag-update ng NDC bago ang United Nations climate negotiations sa November 2025 sa Belem, Brazil.