440 total views
Hindi malutas ang problema sa bandidong Abu Sayyaf Group dahil sa kasabwat ang ilang opisyal ng pamahalaan at ng militar sa kriminal na gawain ng mga ito.
Ayon kay Fr. Benjamin Alforque, head ng Justice and Peace Commission ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines (AMRSP), base sa mga karanasan ng mga pari na naging bahagi ng mga nakalipas na negosasyon, partikular na magkasabwat ang mga ito sa ransom money ng mga kidnapped victims.
Pahayag ito ng pari, kaugnay na rin ng pagpatay ng ASG sa dalawang Canadians sa kanilang mga bihag na banyaga matapos mabigong mabigyan sila ng ransom.
“Nalulungkot din, tingnan natin kung may galit ang mga tao ngayon, bakit ang Abu Sayyaf andiyan pa bakit hindi ma-solve solve ito, sa karanasan ng mga pari na tumulong sa mga negosasyon noon nakita nila na hindi lang ito Abu Sayyaf, kundi may sabwatan ito sa mga government officials, military officials especially sa paghahati ng ransom money, it makes the whole things complicated…” pahayag ni Fr. Alforque sa panayam ng programang Veritas Pilipinas sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito, inihayag ng pari na ang pagpatay ng ASG sa mga bihag nilang banyaga ay isang yugto lamang ng kanilang patuloy na kriminal na gawain at isang hakbang upang ipahiya ang bagong administrasyong Duterte.
Hinimok din ni Fr. Alforque ang sambayanang Filipino na makiramay sa mga inosenteng sibilyan na biktima ng karahasan sa bansa ng nasabing teroristang grupo.
“Kung ibig nilang makuha ang ransom, pinapatay nila ang kanilang ina-abduct, kaya nakakalungkot yan, dapat tayong lahat ay makiramay din sa mga inosenteng taong ito na biktima ng karahasan dito, pangalawa, sinabi na sa kasalukuyan na ginawa nila yun para pahiyain ang incoming president maaring nakakita sila ng partikular reason lalo na sabi ni incoming president Duterte sa Prime Minister ng Canada na di na maulit yung nangyaring unang pinatay ng ASG, isang yugto lang ito ng kanilang patuloy na gawain sa mga kidnap for ransom nila.” Ayon pa sa pari.
Kamakailan, natagpuan ang sinasabing pugot na ulo ng Canadian na si Robert HJall malapit sa Cathedral ng Jolo Sulu habang nitong buwan ng Abril nakita ang pugot na ulo ni John Ridsdel.
Ayon sa ulat ng Armed forces of the Philippines, mula February 2012 hanggang April 15, 2016 nasa 13 ang mga banyagang bihag ng Abu Sayyaf Group kabilang ang nabanggit na 2 Canadians.
Mariing kinokondena ng Simbahang Katolika, ang pagpatay dahil ito ay labag sa batas ng Diyos at ang pagpatay sa isang tao ay pagpatay na rin sa buong sangkatauhan, at ang pag-sagip sa isa ay pagsagip na rin sa lahat.