346 total views
Tiniyak ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines (AMRSP) ang tulong sa mga naapektuhan ng pananalasa ng super typhoon Rolly sa bansa.
Ayon kay AMRSP Co-Executive Secretary Father Angel Cortez, OFM sa ilalim ng AMRSPCares program ay ipapaabot nila ang tulong.
Inihayag ni Fr. Cortez ang pakikipag-ugnayan ng AMRSP sa iba’t-ibang kongregasyon upang makapangalap ng tulong at makapagpaabot ng ayuda sa mas maraming mamamayan na sinalanta ng bagyo.
“We are preparing for the worst-case scenario, under AMRSPCares program we will help to the needs of our brothers and sister affected by Rolly. We will ask the congregations to help and collaborate so we can reach more affected people.” pahayag ni Father Cortez sa panayam sa Radio Veritas.
Hinikayat rin ng Pari ang mamamayan na magkaisa sa pagtulong at pagbibigay ayuda sa mga lubos na naapektuhan ng bagyo na nagdulot ng pagkawasak at pagkasira hindi lamang ng mga tahanan kundi maging sa kabuhayan ng mga residente.
Sinabi ni Fr. Cortez na tatanggap rin ng tulong ang AMRSP mula sa mga nais na maging daluyan ng habag at awa ng Panginoon para sa mga nangangailan.
Iginiit ng Pari na sa oras ng mga pagsubok at kagipitan tulad ng pananalasa ng super typhoon Rolly ay napakahalaga ng pagtutulungan ng lahat.
“Sa mga kapanalig na nais magpaabot ng tulong maari nyo po ipadala sa AMRSP Metro Bank Accnt. Association of Major Religious Superiors Special Fund MBTC 259-3-25907445-3 or GCash and Paypal account 09667804425. Wag po tayo magsawa tumulong sa mga taong mas higit na nangangailangan sa atin.” apela ni Fr. Cortez.
Naunang nagpaabot ng 1-milyong pisong cash aid ang Caritas Manila sa limang Diyosesis at Arkidiyosesis na lubhang sinalanta ng bagyong Rolly.
Read: https://www.veritas846.ph/1-milyong-pisong-cash-aid-ibibigay-ng-caritas-manila-sa-mga-sinalanta-ng-bagyong-rolly/