696 total views
Nag-ambagan ang mga parokya sa Archdiocese of Cotabato para tulungan at tugunan ang pangangailangan ng mga apektado ng El Niño phenomenon sa Mindanao.
Kinumpirma ng Social Action Center ng Archdiocese of Cotabato ang matinding tagtuyot at kagutuman na nararanasan ngayon sa Maguindanao at iba pang karatig probinsya dahil sa epekto ng tagtuyot.
Ayon sa Social Action Director ng Archdiocese na si Father Clifford Baira, walang pananim ang nabubuhay ngayon sa mga apektadong lugar sa Maguindanao dahil sa kawalan ng tubig dulot ng matinding tagtuyot.
Dahil dito, inihayag ni Father Baira na kumikilos na ang Arkidiyosesis ng Cotabato sa pamamagitan ng pag-aambagan ng mga parokya upang ipambili ng mga bigas at iba pang pangangailangan ng mga residenteng apektado ng El Niño.
“Ang ating mahal na Arsobispo Cardinal Orlando Quivedo ay nanawagan din sa mga parokya na mag-ambag-ambag… ang panawagan na ito ay tinugon na po ng mga parokya lalo na dito sa Archdiocese ng Cotabato.” Pahayag ni Father Baira sa panayam ng Radyo Veritas.
Sinabi ni Father Baira na sa pamamagitan ng kanilang dalawang kasamahang pari na kasalukuyan nasa komunidad ay kanilang personal na naihahatid ang tulong sa mga apektadong mamamayan.
Magugunitang Pebrero ng taong kasalukuyan ng ideklara ng pamahalaang panlalawigan ng Maguindanao ang state of calamity dahil sa nararanasan nilang El Niño.
Tinatayang nasa 10 munisipalidad ang apektado ng tagtuyot at umaabot na sa 120-milyong piso ang halaga ng pinsala nito sa mga pananim.
Sinasabing 70 porsyento ng mga mamamayan sa mga lalawigan na nasa ilalim ng Archdiocese of Cotabato ang umaasa sa pagtatanim at pagsasaka.