461 total views
Pinaboran ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs ang pagpapatigil pansamantala ng Pangulong Duterte sa operasyon ng Philippine National Police na Oplan Tokhang o war on drugs.
Ayon kay Rev. Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng komite, dapat munang ayusin ni PNP chief director general Ronald “Bato” dela Rosa ang kanilang hanay upang makuha muli ang tiwala ng publiko.
Pahayag ng pari, kailangan tiyakin ng pulisya na inatasang ipatupad ang batas at habulin ang mga kriminal at addicts dahil mismong sila ang sumisira sa buhay, tiwala ng publiko at sa lipunan gaya ng mga pulis na sangkot sa ibat-ibang krimen.
“Dapat ayusin mo muna ang organisasyon na inatasan mo to go after criminals and drug addicts. Binibigyan natin ng pagkakataon ang pulisya at ating pangulo na ipatupad ang kanilang cleansing.” pahayag ni Fr. Secillano sa panayam ng Radio Veritas.
Una ng ipinatigil ang war on drugs ng pulisya upang makapag-focus sila sa paglilinis sa kanilang hanay matapos masangkot muli ang ilang pulis sa mga kriminal na gawain gaya ng Tokhang for ransom sa Pampanga kung saan pinatay ang isang Koreanong negosyante na sangkot ang 10 aktibong pulis.
Samantala, ipinag-utos rin ni Dela Rosa ang pagbuwag sa Anti-Illegal Drugs Group at iba pang mga anti-illegal task group ng PNP habang binuo ang PNP counter-intelligence group na tutugisin ang mga tiwaling pulis na sangkot sa mga ilegal na gawain.
Sa social doctrine of the church, ka-konde-kondena ang mga gawain kriminal na sumisira sa lipunan kayat kinakailangan ang karampatang kaparusahan sa mga gumagawa nito sa sambayanan.