2,565 total views
Muling pinaalalahanan ng Health Care Commission ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang publiko na huwag maging kampante sa kabila ng pagbuti ng kalagayan ng bansa mula sa krisis ng coronavirus pandemic.
Ayon kay CBCP-Episcopal Commission on Health Care executive secretary, Fr. Dan Cancino, MI, higit pa ring mahalagang ipagpatuloy ang pagiging responsable na pangalagaan ang sarili at kapwa mula sa banta ng COVID-19.
Ipinaliwanag ni Fr. Cancino na bagamat nagbalik na muli sa dati ang mga pagtitipon at mga nakagawian, hindi pa rin ito nangangahulugan na ligtas na ang lahat sa panganib ng nakahahawa at nakamamatay na virus.
“Sa mga nakalipas na mga araw, tumataas ang kaso ng COVID-19, mataas ang positivity rates sa ilang mga lugar, at marami pa rin talaga sa atin ang hindi pa rin bakunado, ‘di pa rin nagpapa-booster. Sana ang mensahe ng Department of Health ay hindi sana hudyat para maging kampante tayo. So, mas maganda pa rin ‘yung prevention is better than cure,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Ang pahayag ni Fr. Cancino ay kasunod ng anunsyo ng World Health Organization na hindi na maituturing na global health emergency ang COVID-19 dahil sa patuloy na pagbuti ng kalagayan ng daigdig sa pagtugon sa pandemya.
Gayunman, wala pa ring anunsyo ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) hinggil sa mga bagong panuntunan sa pagtugon sa COVID-19.
Hinikayat naman ni Fr. Cancino ang publiko na sundin pa rin ang mga nakagawian tulad ng pagsusuot ng facemask, physical at social distancing, at paggamit ng sanitizers na mahalaga bilang pag-iingat hindi lamang sa COVID-19, kun’di pati na rin sa iba pang nakahahawang karamdaman lalo na ngayong pabago-bago ang panahon.
Nangako rin ang pari na patuloy na makikipagtulungan ang CBCP-ECHC sa pamahalaan tungo sa layuning lunasan at tugunan ang COVID-19 pandemic.
“Ang simbahan ay kaakibat pa rin ng gobyerno natin para mapigilan itong pagdami ng COVID-19 cases. Lagi pa rin tayong nagpapaalala sa ating mga kababayan, sa mga nagsisimba na ang COVID-19 ay nand’yan pa rin. Kailangan nating alagaan ang isa’t isa. This is an act of love,” saad ni Fr. Cancino.
Batay sa huling ulat ng DOH, umabot na sa halos 13,000 ang kasalukuyang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa, habang nasa 4.1-milyon naman ang kabuuang bilang ng kaso kung saan higit 66-libo rito ang mga nasawi.