2,237 total views
Muling binigyang-diin ni Balanga Bishop Ruperto Santos ang pagtutol sa sektor ng pagmimina sa bansa.
Ayon kay Bishop Santos, ang pagmimina bagama’t nakikitang makakatulong para sa ekonomiya ng bansa ay kaakibat ang matinding pinsala sa kalikasan at panganib sa buhay ng mamamayan.
Ibinahagi ng Obispo ang kanyang 2015 Pastoral statement laban sa pagmimina sa Bataan kung saan nakasaad na “Ang pagmimina sa Bataan ay maghahatid ng kapinsalaan sa ating mabuting kalikasan.Ang pagmimina sa Bataan ay magbubunga ng kasamaan sa ating kapaligiran”.
Nagagalak si Bishop Santos dahil magmula nang ilabas ang pahayag ng diyosesis laban sa pagmimina ay walang natutuloy na anumang mapaminsalang proyekto sa lalawigan.
Iginiit ng Obispo na ang Bataan, sa tulong ng pagpapala ng Diyos ay patuloy na masagana sa likas na yaman at madarama ang kapayapaan sa kapaligiran.
Hiling naman ni Bishop Santos na katulad ng lalawigan ng Bataan, nawa’y mapigilan at matugunan din sa buong bansa ang pagpapahintulot sa pagmimina upang hindi na magdulot ng karagdagang pinsala sa kalikasan.
“Balikan po natin ang mga lugar sa loob at sa labas ng ating bansa na mayroong pagmimina. Naibalik po ba ang dating ganda at buti ng lugar na hinukay sa pagminina? Nagkaroon po ba ng kasaganaan at kaayusan sa mga lugar na naging minahan? Wala po. Hindi po nangyari at kabaglitaran pa po ang nagaganap,” saad ni Bishop Santos.
Ang pahayag ni Bishop Santos ay kaugnay sa “Big Brother-Small Brother strategy” ng Department of Environment and Natural Resources na nakapaloob sa social development at management programs (SDMP) ng mga malalaking kumpanya ng pagmimina.
Nauna nang nagpahayag ng pagkabahala ang Alyansa Tigil Mina tungkol dito sapagkat higit itong magpapahirap at maisasantabi ang kapakanan ng mga pamayanang apektado ng pagmimina.
Sa kasalukuyan, nasa 44 ang bilang ng mining company sa bansa kung saan 37 rito ang nagsasagawa ng operasyon.
Kinondena ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Laudato Si’ ang hindi makatarungang gawain ng mga malalaking kumpanyang nagsasagawa ng pagmimina sa iba’t ibang bahagi ng mundo, na matapos ang operasyon ay iiwan ang mabigat na pasanin sa mga tao at kalikasan tulad ng kawalan ng hanapbuhay, pagkasira ng mga likas na yaman, at panganib sa kalusugan.