168 total views
Mga Kapanalig, dalawang makabuluhang araw ang ipinagdiwang noong Lunes. Ang una ay ang International Day for the Fight against Illegal, Unreported, and Unregulated Fishing. Ang pangalawa naman ay ang World Environment Day. Magkaiba man ang tuon ng mga araw na ito, magkakaugnay ang mga isyung nakapaloob sa mga ito. Kung hindi tutugunan at bibigyang-solusyon ang illegal, unreported, at unregulated fishing, masisira ang ating kalikasan, partikular na ang ating yamang-dagat. Kaya mahalagang bigyang-pansin ang mga isyung ito.
Ano nga ba ang ibig sabihin ng illegal, unreported, at unregulated fishing (o IUU)? Sinasaklaw nito ang mga iligal na pamamaraan ng pangingisda. Ang illegal fishing ay ang paggamit ng ipinagbabawal na paraan ng pangingisda, katulad ng mga lason at pampasabog. Tinatawag namang unreported fishing ang pangingisda kung ang huling isda ay hindi naitalâ o hindi tama ang pagkakatalâ. Maituturing namang unregulated ang pangingisda kung ito ay ginawa sa labas ng mga itinalagang lugar o sa mga lugar na walang conservation o management guidelines. Unregulated din ang pangingisda kapag pumapasok ang mga barko sa mga ipinagbabawal na lugar-pangisdaan.1 Sa buong mundo, ang IUU fishing ang itinuturong pangunahing dahilan ng bumababang kalidad ng pangisdaan na kalauna’y sumisira sa mas malawak na marine environment. Isa ang IUU sa pinakamalaking banta sa buhay na nasa karagatan dahil mapanira at labis-labis ang pamamaraan nito ng pangingisda.
Sa ulat ng United States Agency for International Development (o USAID) at ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (o BFAR), nawawalan ng 62 biyong piso ang bansa kada taon dahil sa IUU fishing. Ang problema, hindi madaling makakuha ng ebidensya at patunayan ng datos ang IUU fishing dahil komplikado ang pagsasagawa nito. Bagamat alam nating may IUU fishing sa bansa, malawak pa rin at hindi pa lubos na nauunawaan ang mga datos katulad ng pagkalugi sa ekonomiya dahil sa IUU fishing.
Kaya mariing tinututulan ng mga maliliit na mangingisda ang pagsuspinde ni Pangulong Marcos Jr. sa implementasyon ng Fisheries Administrative Order (o FAO) 266 na nire-require na kabitán ng vessel monitoring measures (o VMM) ang mga commercial fishing vessels. Kailangang may nakakabit na VMM sa mga commercial fishing vessels upang masubaybayan at masigurong ang pangingisda nila ay alinsunod sa batas. Kung tatanggalin ang teknolohiyang ito, mahihirapang ipatupad ng mga lokal na pamahalaan ang tungkulin nilang protektahan ang municipal waters na dapat nakalaan para sa maliliit na mangingisda. Binabalewala rin ng suspensyon ng FAO 266 ang mga pagsisikap na maibalik sa maayos na kalagayan ang nauubos nang yamang-dagat at protektahan ang kabuhayan ng maliliit na mangingisda.
Nakalulungkot na mismong pamahalaan ang nag-aalis ng paraan upang mabantayan at mapanagot ang mga nanlalamang sa pakikinabang sa ating karagatan. Hindi pa ba mulat ang ating presidente at ang mga mambabatas sa malalang pagkasira ng mga pangisdaan at marine ecosystem na pinagmumulan ng pagkain at kabuhayan ng maraming komunidad na nasa baybay-dagat? Paunti na nang paunti ang nahuhuling isda sa karagatan dahil sa nasisirang kalikasan. Tungkulin ng pamahalaang tiyaking malusog ang karagatan nang mabigyang-proteksyon ang buhay at kabuhayan ng mga mangingisda. Gaya nga ng sinabi ni Pope Francis na Evangelii Gaudium, responsibilidad ng Estado na pangalagaan at itaguyod ang kabutihan ng lahat ng miyembro ng lipunan, kabilang ang mga mangingisda.
Mga Kapanalig, sa pagdiriwang ng International Day for the Fight against Illegal, Unreported, and Unregulated Fishing at ng World Environment Day, magiging kaaya-aya para sa Diyos at sa mga maliliit na mangingisda ang pagsisikap na pangasiwaan at pangalagaan ang ating pangisdaan. Sa ganitong paraan, maitaguyod ang dignidad at kapakanan ng mga kapatid nating mangingisda.
Sumainyo ang katotohanan.