17,172 total views
Nakikiisa ang development at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa mamamayan ng Barangay Bitnong, Dupax Del Norte, Nueva Vizcaya na patuloy na tumututol sa pagpasok ng Woggle Corporation, na banta sa kanilang lupa, kabuhayan, at dignidad.
Ayon kay Caritas Philippines president, San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, hindi maituturing na tunay na kaunlaran ang isang uri ng pag-unlad na nagsasantabi sa mahihirap, sumisira sa kalikasan, at nagnanakaw sa kinabukasan ng susunod na henerasyon.
Iginiit ni Bishop Alminaza na ang itinayong barikada sa Brgy. Bitnong ay hindi kaguluhan kundi tugon sa kawalan ng makabuluhang konsultasyon at pagkukulang ng mga prosesong dapat sana’y nangangalaga sa pamayanan.
“The people’s barricade is not an act of disorder. It is the response of communities excluded from decisions that shape their lives, born from the absence of genuine consultation, and from the painful experience of having their land and future treated as expendable,” pahayag ni Bishop Alminaza.
Nagpahayag din ng matinding pagkabahala ang Caritas Philippines sa mga ulat ng pananakot, pag-aresto, at marahas na dispersal laban sa mga residenteng mapayapang nagpo-protesta.
Ayon kay Bishop Alminaza, may mga batas mang nagbibigay-daan sa interes ng negosyo, hindi maituturing na makatarungan ang mga ito kapag ang kapalit ay panganib sa buhay at pagsasantabi sa karapatan ng taumbayan.
Binigyang-diin ng Caritas Philippines ang pagsuporta sa panawagan ng Diyosesis ng Bayombong para sa agarang pagpapatigil sa exploration activities ng Woggle Corporation at paglalabas ng cease-and-desist order upang maiwasan ang karagdagang pinsala sa kalikasan at paglabag sa karapatang pantao.
“As Church, we are called to stand where life is threatened. Silence in the face of such suffering is not neutrality; it is complicity,” ayon kay Bishop Alminaza.
Nanawagan din ang institusyon sa pambansang pamahalaan na kanselahin ang mga permit ng kumpanya at suriin ang mga patakarang paulit-ulit na naglalagay sa mga kanayunan sa panganib.
Tiniyak ng Caritas Philippines sa mamamayan ng Dupax Del Norte na hindi sila nag-iisa at hinikayat ang lahat na makiisa at maging mapagmatyag, dahil ang kanilang laban ay higit pa sa lokal na usapin at moral na pananagutan.
“They may dismantle barricades, but your rights remain. Though you may be few, your moral strength is great. Justice does not begin with permits, but with people,” giit ni Bishop Alminaza.




