243 total views
Kinondena ng Promotion of Church People’s Response (PCPR) ang panukalang pagbibigay ng reward sa mga mapapaslang na miyembro ng Communist Party of the Philippines-New Peoples’ Army (CPP-NPA).
Sa halip, sinabi PCPR spokesperson Nardy Sabino na mas makakabuti kung ang ‘reward’ sa pagpatay ay gamiting pondo para sa free tertiary education na nakatakdang ipatupad sa susunod na taon.
“Instead yung pondo dapat ilagay sa free education, inilalagay ang pondo sa kamatayan,” ayon kay Sabino.
Sa ulat, hindi kasama sa panukalang 3.7 trilyong pisong sa 2018 national budget ang free education program na sa pagtataya ng Department of Budget and Management ay pagkakagastusan ng 100-bilyong piso kada taon.
Una na ring umalma si Anakpawis Representative Ariel Casilao hinggil sa pagbibigay ng P100,000 sa bawat NPA na mapapaslang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magsisilbi lamang imbitasyon sa mas marami pang paglabag sa karapatang pantao.
Kasunod ng pagbawi ng ‘ceasefire’ noong Pebrero sa pagitan ng gobyerno at CPP-NPA, sinabi ni Casilao na may 74 na ang napaslang na aktibista.
Ayon pa kay Sabino, hindi ito ang tamang solusyon sa problema ng bansa hinggil sa rebelyon kundi ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan.
Naninindigan din ang simbahan na hindi karahasan ang tugon sa kaguluhan at ang pagpaslang ay hindi nangangahulugan ng katarungan.