193 total views
Ikinagalak ng bagong Obispo ng Batanes na si Bishop Danilo Ulep ang mainit na pagtanggap sa kanya ng mga residente sa isla.
Isang araw matapos ang kanyang ‘instillation mass’ sa Santo Domingo Cathedral sa Basco, Batanes, Aminado si Bishop Ulep na nawala ang lahat ng kanyang pagod mula sa ilang araw na paghahanda at pagtungo sa isla mula sa kanyang lalawigan sa Archdiocese of Tuguegarao.
Batid ng bagong Obispo ang pagmamahal at pagtanggap sa kanya ng mga residente na 14 na taon din ginabayan ni Bishop Emeritus Camillo Gregorio.
“Mula nung ako’y dumating nung Sabado, at hanggang kahapon ginawa yung instillation at yung Canonical Celebration ay naramdaman ko yung pagmamahal ng mga tao, at yung ating mga sinasakupan dito sa Batanes, at ako’y napakasaya na kahit na medyo pagod dahil sa seremonya na ginanap ay parang nawala lahat ng pagod dahil sa init ng pagpaparamdam ng pagmamahal ng aking mga mamamayan dito sa Batanes.” pahayag ni Bishop Ulep.
Inihayag ni Bishop Ulep na ilan sa kanyang mga unang balak gawin bilang bagong Obispo ay kilalanin ang mga Kaparian sa Batanes at bisitahin ang mga parokya sa iba’t-ibang mga isla.
“Sa darating na mga araw, siyempre ay uunahin kong pasyalan at dadalawin ang mga iba’t ibang parokya, upang mas lalong makita ang ating mga sinasakupan at tuloy makilala rin nila ako at makita rin ng personal na dumating na ako bilang kanilang Pastol” Ani pa ni Bishop Ulep.
Samantala, batid ni Bishop Ulep ang suliranin ng Batanes pagdating sa mga kalamidad bagamat naniniwala ito sa kakayanan at kahandaan ng mga residente lalo na sa mga bagyo.
”Yan ay isang bagay na alam ko namang pinaghahandaan palagi ng taga-Batanes. Siguro, ang maganda pa nating banggitin ay yung mga bagyong daraan, unos na dadaan sa buhay ng bawat isa, sa taga Batanes, hindi lang yung literal na bagyo, kung hindi yung mga bagyong dumarating sa buhay nila, sa pamamagitan ng mga pagsubok, mga problema at hamon man ng buhay. Sa palagay ko naman, handang handa at palaging nakahanda ang ating mga sinasakupan sa Batanes.”pahayag ni Bishop Ulep
Batay sa datos ng taong 2015, hindi bababa sa 17 libong ang populasyon ng Batanes na binubuo ng sampung mga isla at 7 munisipalidad.