5,034 total views
Pinaalaahan ng mga legal expert ang mga magulang na hindi nagbibigay ng suporta sa kanilang mga anak na mayroon silang pananagutan sa batas.
Sa panayam ng programang Caritas in Action, sinabi ni Atty. Gail Diola ng grupong IDEALS Inc. na may karapatan ang mga anak na makakuha ng sustento mula sa kanyang mga magulang.
Kasabay ng paggunita sa International Women’s Month ngayong buwang ng Marso, lumalabas sa pag-aaral na karamihan ng mga biktima na hindi nakakatanggap ng sustento ay mga kababaihang at kanilang anak na hindi pinanagutan ng kanilang ama.
Ayon kay Atty. Diola bagamat walang nasasaad sa batas kung magkano ang nararapat na sustento ng magulang sa kanyang anak ay kinakailangan itong ipagkaloob para matustusan ang mga pangunahing pangangailangan.
“Walang fix amount ang ating batas kung magkano ang dapat ibigay na sustento ito po ay highly dependent sa iba-ibang factor at una na dito ang resources o financial capability ng magulang.”
Sinabi pa ng abugado na ang bata ay may karapatan na tumanggap ng sustento mula sa kanyang Ama kahit hindi nakasunod sa kanyang apelyido.
“Sa usapin ng suporta hindi kailangan na ang dalawang magulang ay kasal para ma-obligahan na magbigay ng suporta hindi ito pre requisite, dahil under the family code ang mga illegitimate children ay entitled sa suporta.” Dagdag pa ni Atty. Diola.
Sa katuruan ng Simbahang katolika ay labis na pinahahahalagan ang sakramento ng matrimonya ng kasal at pagkakaroon lamang ng mga anak matapos ang pag-iisang dibdib ng dalawang nagmamahalan.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority noong taong 2017 lumalabas na 53 porsyento ng mga ipinanganak ng taong iyon ay napapabilang sa mga “illegitimate children” o mga ipinanganak ng hindi kasal ang kanilang mga magulang.